Pagiging makasarili at mahiyain, dapat baguhin ng bebot na takot tumandang dalaga
ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | March 23, 2022

KATANUNGAN
Nagtataka ako sa aking kapalaran dahil sa edad kong 28 ay hindi ko pa rin natatagpuan ang lalaking inilaan sa akin ng kapalaran. Maganda naman ako sabi ng nanay ko, may matatag na trabaho at higit sa lahat, mabait ako pero bakit parang walang lalaking nanliligaw nang seryoso sa akin?
At lalong hindi naman ako tomboy dahil hindi naman ako nagkakagusto sa kapwa ko babae. Naiinip na ako sa kahihintay, kaya gusto ko nang magka-boyfriend, sabi n’yo kasi, ang bawat isa ay may nakatakdang kapareha sa buhay tulad nina Adan at Eba, pero kinakabahan ako dahil baka walang nakatakdang lalaki na makakasama ko habambuhay.
Isipin pang may lahi kami na tumatandang dalaga sa both side ng father at mother ko. Kaya Maestro, sabihin mo kung makapag-aasawa pa ba ako o hindi na? Kung oo, kailan darating ang lalaking mapapangasawa at makakasama ko habambuhay?
KASAGUTAN
Ayon sa aklat ni Bob Garon na ‘Love and Courting’, “Hindi kaibig-ibig ang indibidwal na hindi makatagpo ng mamahalin at magmamahal sa kanya.” Malamang, maaari mong tanungin ang iyong sarili kung bakit hindi ka kaibig-ibig. Kitang-kita ang sagot na nagsasabing, napakahaba kasi ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda ng indibidwal na masyadong makasarili. Unconsciously, mas mahal mo ang iyong sarili kaysa sa iba.
Makukumpirma ang pag-aanalisang nabanggit, higit lalo kung makikitang ang kulay ng mga guhit sa palad at minsan ay kulay ng palad ay mala-tsokolate o medyo brown. Ito ay tanda na nalulugod ka sa pag-iisa at hindi mo hinahayaang abalahin o bulabugin ng iba ang iyong privacy. Dagdag pa rito, dahil ayaw mong masakop ang iyong private zone, natatakot ka ngayong makisalamuha sa iba, lalo na sa mga lalaki.
Walang iniwan sa taong mahiyain. Alam mo ba kung bakit ayaw sumagot sa recitation ang mga estudyanteng mahiyain kahit alam naman niya ang sagot? Ito ay dahil ayaw niyang ipakita o ibahagi sa iba ang kanyang galing at nalalaman. Kumbaga, sa isip-sip niya, “Huwag n’yong sasalingin ang aking sarili at natatagong kaalaman dahil akin lang ito”, kaya natapos ang buong sem nang hindi siya nag-volunteer na sumagot.
Ang pag-aanalisang mahiyain ka ay madali namang kinumpirma ng nagsamang Head Line at Life Line (H-H at L-L) nang mahigit isang pulgada (arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung lalabanan mo ang “self-preservation” na umaalipin sa unconscious mong pagkatao, ganap kang lalaya sa isang “shell”, kumbaga, magiging malaya ka na, magkakaroon ng maraming kaibigan, magkaka-boyfriend at magiging maligaya.
MGA DAPAT GAWIN
Bakit ba tumatandang dalaga o nananatiling binata ang isang lalaki? Dahil sa loob ng maramot niyang sarili, pilit niyang itinatago ang likas niyang katangian. Natatakot siyang ibunyag ang tunay niyang pagkatao dahil palagi siyang nag-aalala na baka siya ay mapahiya, mapintasan o mapulaan ng iba. Kaya ang nangyayari, makapag-aasawa naman sana siya, pero dahil pinepreserba ang ego o sarili, tumandang dalaga o binata siya.
Habang, ayon sa iyong mga datos, Vivian, kung mananatili kang tago at ilag sa mga tao, partikular sa kalalakihan, posibleng hindi matupad ang maikling Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow c.) sa kaliwa at kanan mong pala, ibig sabihin, hindi ka na makapag-aasawa.
Subalit kung matututunan mong maging malaya at buksan ang iyong sarili sa iba, tulad ng naipaliwanag na, hindi pa huli ang lahat upang ikaw ay magka-boyfriend, makapag-asawa at magkaroon ng masaya at panghabambuhay na pamilya, na nakakdang mangyari at maganap sa taong 2023 sa buwan ng Abril hanggang Mayo edad mong 29 pataas, hatid ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Taurus.




Comments