Paghahain ng COC, panatilihing mapayapa
- BULGAR

- Oct 4, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | Oct. 4, 2024

Unti-unti nang nagkakaalaman kung sino ang mga magkakatunggali sa darating na halalan. Bagay na mas pinaingay ng social media.
Kaugnay nito, sana ay mapanatili ang kaayusan at huwag mabahiran ng karahasan ang kabuuan ng eleksyon.
Una nang nag-deploy ng nasa 36 libong tauhan ang Philippine National Police (PNP) para matiyak ang peace and order sa paghahain ng certificate of candidacy simula Oktubre 1 hanggang Oktubre 8.
Paiigtingin ang police checkpoints at border control sa buong bansa. Ito’y para masigurong walang magpapagala-galang indibidwal na may baril na maaaring makabalam sa electoral process.Ang mapayapang proseso ng paghahain ng COC ay hindi lamang simpleng pagsunod sa mga regulasyon ng Commission on Elections. Ito rin ay simbolo ng ating paggaling sa demokrasya. Ang bawat indibidwal na nagnanais na maglingkod sa bayan ay may karapatang ipahayag ang kanilang intensyon sa isang maayos at tahimik na paraan. Dito, makikita ang tunay na diwa ng demokrasya — ang pagbibigay ng pagkakataon sa lahat na makilahok at magkaroon ng boses.Sa kabila ng mga hamon na dala ng pulitika sa ating bansa, nararapat lamang na ipakita ng mga kandidato at kanilang mga tagasuporta ang respeto sa isa’t isa.
Ang pagkakaroon ng makulay na kampanya ay hindi dapat maging dahilan ng alitan o hidwaan. Sa halip, ito ay dapat maging pagkakataon upang ipakita ang ating pagkakaisa bilang mga mamamayan na may iisang layunin — ang makamit ang tunay na pagbabago para sa bayan.
Sa mga darating na araw ng paghahain ng COC, mahigpit na paalala sa lahat ang pag-iwas sa anumang uri ng karahasan o kaguluhan. Ang mga kandidato at kanilang mga tagasuporta ay dapat maging huwaran ng disiplina at respeto sa proseso. Sa ganitong paraan, mas magiging makabuluhan ang ating eleksyon at mas mapapalakas ang tiwala ng sambayanan sa ating sistema ng pamahalaan.



Comments