top of page
WINNER - BEAUTY QUEEN GF NI SANTINO, NAPAGKAMALANG TRANSGENDER-IG _ashleysubijano.jpg

Pagdami ng nagugutom, masamang pangitain

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 19, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | Oct. 19, 2024



Editorial

Sa kasalukuyang panahon, isa sa mga pinakamalaking hamon na kinakaharap ng ating bansa ay ang laganap na gutom. 


Inilahad ng Social Weather Stations (SWS) ang isang non-commissioned survey para sa third quarter ng 2024 ang pagtaas ng involuntary hunger sa hanay ng pamilyang Pilipino kumpara sa second quarter.


Base sa survey, may 22.9% ng pamilyang Pilipino ang napaulat na nakaranas ng involuntary hunger — tumutukoy bilang pagiging gutom o walang makain.

Makikita na 5.3% ang itinaas mula sa 17.6% na naitala noong Hunyo 2024. Ito rin ang pinakamataas na rate mula ng 30.7% na naiulat sa panahon ng COVID-19 lockdown noong Setyembre 2020.


Maraming Pilipino ang nahaharap sa kakulangan sa pagkain, na nagiging sanhi ng mas malalim na problema sa kalusugan, edukasyon, at kabuhayan. 


Gayunman, sa kabila ng mga pagsisikap ng gobyerno at iba’t ibang sektor, tila hindi sapat ang mga programang nakatuon lamang sa pamamahagi ng pagkain. 

Dito pumapasok ang isang mahalagang solusyon, ang paglikha ng mas maraming trabaho.


Ang trabaho ay hindi lamang nagbibigay ng kita kundi nagbubukas din ng pagkakataon para sa mga tao na makapagtagumpay at makapag-ambag sa komunidad. 

Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng sapat na hanapbuhay, nagkakaroon ang mga tao ng kakayahang bumili ng mga pangangailangan, kasama na ang masustansyang pagkain. 


Sa halip na umasa lamang sa mga ayuda o panandaliang solusyon, ang sustainable na pag-unlad ng ekonomiya ay nagmumula sa pagkakaroon ng mas maraming oportunidad sa trabaho.


Ang mga sektor tulad ng agrikultura, turismo, at teknolohiya ay may malaking potensyal na lumikha ng trabaho. 


Ang pagsuporta sa mga lokal na negosyo at paghikayat sa mga mamumuhunan na pumasok sa mga lugar na may mataas na unemployment rate ay makatutulong upang mapalakas ang ekonomiya.


Ang paglutas sa problema ng gutom ay hindi simpleng isyu ng pagkakaroon ng pagkain. Ito ay nakaugat sa mas malawak na konteksto ng trabaho at oportunidad. 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page