@Editorial | November 14, 2023
Kapansin-pansin ang pagdami na naman ng mga namamalimos sa mga kalye sa Metro Manila.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng mga awtoridad na kanila na itong iniimbestigahan. Kasabay ang pahayag na posible itong may kaugnayan sa isang criminal syndicate.
Mayroon umanong isinasagawang imbestigasyon laban sa syndicated group na sinasamantala ang mga indigenous people na mga kababayan natin.
Sinabi naman ng Metro Manila Council (MMC) na hindi pa napatutunayan ang ugnayan ng mga pulubi sa mga sindikato, ngunit ire-refer umano ito sa pulisya.
Sana ay maging mabilis ang pagtukoy kung sino ang mga nasa likod ng biglang pagdami ng mga pulubi. Kung sakaling may mahuli, ilantad sa publiko at kasuhan agad ng human trafficking para hindi na umulit o pamarisan.
Kahit pa may mga programa ang gobyerno at mga organisasyon, hindi ito sasapat kung magpapatuloy ang pagdami ng mga nasa lansangan sa ‘di malamang dahilan.
Kailangang ugatin ang problema para makagawa ng mas epektibong solusyon.
Commentaires