Pagdami ng mga nababasurang kaso sa droga, bunga ng kapabayaan
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
by Info @Editorial | February 17, 2026

Dumarami umano ang mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga na ibinabasura ng korte dahil lamang sa teknikalidad.
Batay sa datos na inilabas ng isang mambabatas, umabot sa 284 drug-related acquittals ang naitala ng Court of Appeals sa loob lamang ng limang buwan o mula Enero hanggang Mayo 2025.
Bilang solusyon, nais na luwagan ang rekisitos at payagan na ang paggamit ng body-worn cameras o pagkuha ng mga ordinaryong testigo sa mga buy-bust operations kapalit ng mga opisyal na saksi.
Gayunman, kung susuriing mabuti, posibleng hindi teknikalidad ang dahilan kundi kapalpakan sa pagsunod sa batas.
Malinaw ang proseso kung paano hahawakan ang nakumpiskang ebidensya. May tinatawag na chain of custody na dapat sundin upang matiyak na ang drogang iniharap sa korte ay siya ring drogang nakumpiska. Kapag hindi ito nasunod—kulang ang dokumento, walang tamang saksi, o may butas sa pag-iingat ng ebidensiya—mahina ang kaso.
Hindi puwedeng isantabi ang mga patakarang ito. Hindi ito simpleng “pirma lang” o “papel lang.” Ang mga patakarang ito ang panangga laban sa pagtatanim ng ebidensya at maling pag-aresto. Kung hindi kayang sundin ng mga operatiba ang malinaw na proseso, hindi ang korte ang dapat sisihin.
Pero hindi rin maikakaila ang epekto nito. Kapag napapawalang-sala ang akusado dahil sa procedural lapses, bumababa ang tiwala ng publiko sa sistema. Para sa karaniwang mamamayan, parang may nakalusot na kriminal. Ngunit ang mas malalim na tanong: sino ba talaga ang nagkulang?
Kung seryoso ang pamahalaan sa laban kontra-droga, dapat seryoso rin ito sa pagsunod sa batas. Kailangan ng mas mahigpit na pagsasanay, mas malinaw na pananagutan, at disiplina sa hanay ng mga nagpapatupad ng batas.
Hindi kalaban ang korte. Hindi hadlang ang teknikalidad. Ang tunay na hadlang ay kapabayaan.
Sa isang lipunang may batas, hindi sapat ang paghuli. Kailangang maayos ang proseso. Dahil kung hindi, paulit-ulit lang na mauuwi sa wala ang mga kaso at paulit-ulit ding mabibigo ang hustisya.






Comments