top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pagbangon ng mga nasalanta ng bagyo pakay ng Volley at Football Stars

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 16, 2020
  • 2 min read

ni Anthony Servinio - @Sports | November 16, 2020




May parating na tulong na para sa mga biktima ng bagyong Ulysses galing sa mga bituin ng volleyball at football sa Pilipinas. Kasama ng kanilang mga tagahanga, maglulunsad ng proyekto ang mga atleta upang makalikom ng pondo at kagamitan patungo sa pagbangon muli ng mga nasalanta.


Nananawagan ang “Volleyball Community Gives Back” nina Charo Soriano at Alyssa Valdez ng mga donasyon. Maaring ipadala ang mga ito sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City mula 10:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon hanggang Nobyembre 18.


Sa ngayon, ang pangunahing kailangan nila ay ang pagkain, tubig, maskara, gamit sa paglinis at tulugan. Para sa mga nais magbigay ng salapi ngunit hindi makakapunta ng San Juan, bumisita sa mga opisyal na social media ng VCGB para sa mga detalye at panuto.


Samantala, inilabas na ang mga detalye para sa subasta ng mga uniporme at sapatos na ginamit sa katatapos na 2020 Philippines Football League (PFL). Nangunguna sa listahan si Golden Boot o Most Valuable Player Stephan Schrock ng kampeon United City na nag-ambag din ng P50,000 mula sa sarili niyang bulsa upang masimula ang koleksyon.


Maliban kay Schrock, kasama rin sa subasta ang mga gamit ng kanyang mga kakamping sina Golden Boot Bienvenido Maranon at Golden Glove Anthony Pinthus. Nariyan din sina Jarvey Gayoso ng Azkals Development Team, Hamed Hajimehdi ng Mendiola 1991 at Anton del Rosario ng Maharlika Manila habang inaasahan na hahabol ang iba pang mga manlalaro bago magsara ang subasta sa hatinggabi ng Martes (Nobyembre 17).


Lahat ng mga uniporme at sapatos ay maaring tingnan sa opisyal na pahina sa Facebook ng PFL. Naroon din ang mga patakaran kung paano lumahok sa subasta kung saan ang halaga ng isang uniporme ay magsisimula sa P1,000 at P3,000 para sa sapatos.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page