Pagbagsak ng tulay, resibo ng kapabayaan
- BULGAR

- 3 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | September 1, 2026

Hindi katanggap-tanggap na sa tuwing hahagupit ang bagyo at habagat, may tulay na naman na bibigay. Ang tulay ay hindi dekorasyon sa proyekto ng gobyerno. Dapat itong manatiling matatag lalo na sa panahon ng sakuna, hindi 'yung mismong unos ang maglalantad kung gaano ito kahina.
Kapag gumuho ang tulay, hindi puwedeng isisi agad sa lakas ng ulan o rumaragasang tubig. Dapat tanungin: tama ba ang disenyo, maayos ba ang materyales, nasunod ba ang pamantayan, at regular ba ang inspeksyon? Kung paulit-ulit ang ganitong insidente, hindi na ito simpleng epekto ng panahon. Posibleng may seryosong problema sa kalidad, maintenance at pananagutan.
Mas mabigat ang usapin dahil buhay ng tao ang nakataya. Isang bumigay na tulay ay maaaring pumatay, mag-isolate ng mga komunidad at huminto ang daloy ng pagkain, tulong at kabuhayan. Kaya bawat pagbagsak ay dapat imbestigahan nang mabilis at walang palusot. Kung may nagpabaya sa inspeksyon o nagtayo ng substandard na proyekto, dapat pangalanan at panagutin.
Hindi dapat disposable ang imprastruktura na binabayaran ng taumbayan. Ang bagyo at habagat ay hindi bagong problema sa Pilipinas, kaya walang dahilan para tratuhin ang mga ito na parang hindi inaasahang pagsubok.
Ang matibay na tulay ay sukatan ng maayos na pamamahala; ang tulay na basta bumibigay ay resibo ng kapabayaan.



Comments