Pagbabawal sa single-use plastic, dapat ipatupad sa buong bansa
- BULGAR
- Mar 20, 2023
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | March 20, 2023
Tuwing nagmamaneho ako, kailangan kong sikapin na maging mahinahon at palaging mahaba ang pisi sa mga hindi kanais-nais na pangyayari sa kalye. Mahirap-hirap na hindi mainis at minsan ay magalit pa sa mga garapal at walang galang na pagmamaneho ng marami, apat na gulong o dalawang gulong man ang kanilang dala.
Ang pinakanakakainis ay ang pagbusina nang walang dahilan. Inis na inis akong mabusinahan, ngunit dumadalas-dalas na rin akong bumusina na kinaiinisan din ng mga inaabutan ng nakakainsultong ingay. Nakakainis din ang mga mahilig makipag-unahan at mag-cut sa linya na halos tamaan ang bumper ng sasakyang minamaneho ko. At kapag nagsunud-sunod ang mga nakakainis na pangyayari sa kalye, kailangang hulihin ko ang aking sarili at sabihing, “Kaunting lamig ng ulo,” “Habaan ang pasensya,” “Huwag papatol dahil hahaba ang gulo at baka hindi pa maganda ang mangyari.”
Mabuti na lang at nakakayanan ko pang magpalamig ng ulo kaysa pumatol sa mga walang kuwentang konsumisyon sa kalye. Subalit, mayroong mga kaganapan sa kalye na halos hindi ko kayang palampasin.
Kapag nakita kong ginagawang basurahan ang kalye, kung saan napakaraming upos ng sigarilyo at sari-saring plastik na pambalot ng mga pagkain, tumitigil ako at pinupulot ko ang upos o plastic, styro o anumang basura na basta na lang inihagis sa kalye at isasauli ko ito sa kinauukulan na may kasabay na maikli at magalang na pangaral.
Nagpapasalamat ako kung inabot ng pagpula ng traffic light ang pagkakalat ng basura.
Tanda ito na maaari akong magpaalala sa pagsauli ng basura sa kinauukulan na mayroong kasabay na munting pangaral. Ngunit, isang munting bahagi lang ang mga kalye at highway na ginagawang basurahan ng kung anu-ano, lalo na ang plastic. Paano na ang iba’t ibang tubigan mula sa mga estero hanggang lawa tulad ng Laguna de Bai, ang Seven Lakes sa San Pablo City? Ilang toneladang plastic ang nakalubog na sa mga lawa at karagatan, ilang toneladang plastik na rin ang hindi matunaw-tunaw sa mga tiyan at bituka ng mga isda, malaki man o maliit? Hindi ba’t hindi nakakatuwang makita na napapaligiran ng sari-saring basurang plastik ang kontrobersyal na dolomite beach sa Roxas Boulevard?
Kahanga-hanga ang ipinatupad kamakailan na pagbabawal sa paggamit ng single-use plastics tuwing Miyerkules at Sabado sa Bayan ng Cordova sa Mactan Island, Cebu City.
Ginawa rin ito ng siyudad ng Mandaluyong noong mga nakaraang taon, ngunit hindi ko alam kung ipinatutupad ito hanggang ngayon. Gayunman, magandang simula ito at sana’y gumaya na ang iba pang mga bayan, siyudad hanggang lalawigan. Hindi ito imposible, ngunit tiyak na maraming tututol, lalo na ang malalaking kumpanya ng produktong plastik.
Maaaring simulan din ito ng mga parokya na binubuo ng maliliit na pamayanan. Sa Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, Quezon City, sinimulan na naming ipagbawal ang paggamit ng mga plastic water bottles. Hinihikayat nang magdala ng kani-kanyang reusable water bottle o tumbler ang mga kabataan.
Medyo mahirap ito sa simula, kaya handa pa rin kami para sa mga nakalimot magdala.
Mayroon na kaming sapat na matitigas at matitibay na basong plastik na hindi one-time use.
Ito ang dapat pag-aralan at gawin— ang pag-iwas sa paggamit sa mga single-use plastics na walang ibang paglalagyan kundi ang basurahan. Kung hindi na gagamit ng mga single-use plastics at anumang lumilikha at dumadagdag sa sobra-sobra nang basura, unti-unting gaganda ang ating kapaligiran, lupa at lahat ng tubigan at karagatan. Unti-unting lulusog at lalakas ang mga isda, ibon at hayop sa tubig, hangin at lupa. Unti-unti tayong magiging mga tunay na anak ng Diyos at maaasahang kaibigan ng kalikasan.
Samantala, malaking kabutihan ding maidudulot ng pag-iwas ng plastik sa kamalayan at pag-uugali ng tao. Kung hindi plastik, ano naman ang gagamitin? Natural sa halip na plastik.
Magandang makita ang mga dahon ng saging na pambalot ng meryendang kakanin para sa mga miting at handaan. Magandang magkamayan din at sama-samang mag-boodle fight.
Marahil kaya nakakainis makita ang mga nagtatapon ng basura kung saan-saan, lalo na ng plastic dahil karamihan ay wala nang pakialam at pakiramdam sa pinsalang dinudulot ng plastik at hindi likas o natural na ugali.
Problema ba ang plastik? Sinagot na ito ng napakaraming bansa na nagbawal sa paggamit ng single-use plastics. Eh, ang plastik at hindi natural na ugali? Tingnan natin ang maraming sumisira sa kapaligiran. Tingnan natin ang mga sumasamba sa salapi at kapangyarihan na walang tigil na pinagkakaperahan ang kalikasan. Mayroon bang kapansin-pansin sa kanilang pag-uugali?




Comments