top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pagbabakuna sa edad 12-17 kontra-COVID, aprub sa experts panel

Writer: BULGAR
BULGAR
Sep 19, 2021
1 min read

ni Lolet Abania | September 19, 2021



Inaprubahan na ng experts panel ng pamahalaan ang pagbabakuna kontra-COVID-19 sa mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17, habang patuloy ang pagdedetermina ng Department of Health (DOH) kung kailan sisimulan ang vaccination sa mga ito.


“As a general policy, pumayag na ang all experts panel na magbakuna sa 12 to 17... ‘yung time lang na kailan puwede at sino unahin,” pahayag ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa interview ngayong Linggo.


“Inaayos pa ang polisiya at guidelines. Dapat umpisahan ang pagbabakuna sa mga batang may comorbidities,” dagdag ng kalihim.


Ayon kay Cabotaje para sa pagbabakuna ng mga bata, kinakailangan pa rin ng consent o pagsang-ayon ng mga magulang at kanilang mga anak hinggil dito.


Gayunman, ang posibleng side effects ng mga COVID-19 vaccine sa mga bata ay patuloy na pinag-aaralan ng mga eksperto.


Sinabi pa ni Cabotaje na maaaring ang pagbabakuna sa mga kabataan ay sisimulan sa Oktubre.


Samantala, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa Department of Education (DepEd) tungkol sa face-to-face classes para naman sa pagbabakuna ng mga teaching at non-teaching personnel bilang proteksiyon na rin sa mga bata sa gitna ng panukalang muling pagbubukas ng klase.


“’Di maproproteksiyunan ang bata kapag sa environment niya ay hindi protektado,” sabi ni Cabotaje.


Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na sisimulan ang pagbabakuna sa general population o pangkalahatang populasyon ng bansa sa Oktubre.


Hanggang nitong Setyembre 18, umabot na sa 18.2 milyon Pilipino ang fully vaccinated kontra-COVID-19, kung saan malayo pa ito sa target ng gobyerno na mabakunahan para makamit ang herd immunity ng bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page