Pag-asa at tulong para sa mga sinalanta ni ‘Agaton’
@Editorial | April 13, 2022
Matindi ang paghagupit ng Bagyong Agaton sa ilang lugar sa Visayas at Mindanao.
Batay sa inisyal na ulat, mahigit dalawampu katao ang binawian ng buhay, mayroon ding mga nasugatan habang may mga nawawala pa.
May mga nalibing nang buhay at mga kabuhayang nawasak sa landslide, flashflood, mudslide at rockfall.
Maraming pamilya ang lumikas at walang katiyakan kung paano muling makakapagsimula. Hindi pa man nakakabawi mula sa pandemya at mas matinding kahirapan, dumating naman ang kalamidad.
Sa kabila nito, nananatili silang matatag. Mawasak man ang tirahan, muling mawalan ng hanapbuhay, laging may natitirang pag-asa.
Gayunman, hindi ito sapat. Kailangan nila ng tulong, gabay at higit sa lahat, panalangin.
Kung tayo’y may kakayahan na makapagbahagi ng anuman para sa kanila, tiyak na magiging malaking kagaanan. Hindi naman na bago sa ating mga Pinoy ang pagdadamayan, likas sa atin ang pagtulong. ‘Ika nga, naka-ugat na sa atin ang paglingap sa kapwa.
At para sa ating mga kababayan na labis na apektado ng pandemya, kahirapan at ngayo’y kalamidad, laging isipin na “walang ayawan”. Kung kinaya natin noon, walang dahilan para hindi natin kayanin ngayon.
Magtiwala tayo sa ating kakayahan, sa suporta pamahalaan at sa pagmamalasakit ng ating mga kababayan.
Kapag nauubusan na ng lakas, puwedeng magpahinga. ‘Pag nawawalan na ng pag-asa, dagdagan ang panalangin.



Comments