Pacquiao sa kanyang mga absence bilang Sarangani Rep.: ‘Tinatamad ako doon sa Kongreso’
- BULGAR

- Jan 30, 2022
- 1 min read
ni Jasmin Joy Evangelista | January 30, 2022

Sinagot ni presidential aspirant Sen. Manny Pacquiao ang tanong hinggil sa dahilan kung bakit siya ang top absentee sa House of Representative.
Sinabi ni Pacquiao, na dating representative ng lone district ng Sarangani, na pinili niyang manatili sa kanyang distrito para i-monitor ang “Pacman Village” na kanyang ipinagawa para magbigay ng libreng pabahay sa kanyang mga nasasakupan.
“Ang binabasehan nilang absent ako noong panahon ng congressman ako, kasi po sa kadahilanan na congressman ako, ay tinatamad ako doon sa Kongreso,” ani Pacquiao sa DZRH’s Presidential Job Interview.
“Dahil kapag privilege speech ng isang congressman ng isang probinsya, matagal, mahaba, and then wala naman ako pakialam doon sa kanyang issue ng kanyang probinsya, distrito niya. Minabuti ko doon ako nanatili sa probinsya dahil nagpapagawa ako ng mga Pacman village doon. Doon ako nakatutok, dahil mas mabuti pa tutukan ko ang mga pabahay ko doon noong time na yon, dahil excited ako, masaya yung mga pamilya, bibigyan mo ng sariling tahanan, libre, wala silang binabayaran, nage-enjoy ako,” pahayag pa ni Pacquiao.
Gayunman, sinabi ni Pacquiao na kaunti na lamang ang kanyang naging pagliban sa Senado, at nakapag-file at co-author din umano siya ng 96 bills bilang senador.
Matatandaang sinabi ni retired Senior Associate Justice Antonio Carpio, ang lead convenor ng electoral coalition na 1Sambayan, na kulang sa kakayahang magsilbi sa buong bansa si Pacquiao na makikita sa kanyang mga pagliban sa House of Representatives at ngayon bilang senador.








Comments