Pacquiao sa co-presidentiables: Isantabi ang pulitika para tulungan ang mga nasalanta ng bagyo
- BULGAR

- Dec 17, 2021
- 1 min read
ni Jasmin Joy Evangelista | December 17, 2021

Tinawag ni Sen. Manny Pacquiao ang atensiyon ng co-presidentiables sa pamamagitan ng social media post na sila ay magkaisa at isantabi ang pulitika para matulungan ang mga kababayang nasalanta ng bagyong Odette.
Sa kanyang post ay binanggit niya sina Vice President Leni Robredo, former Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., Manila Mayor Isko Moreno, Senator Panfilo Lacson, at labor leader Leody de Guzman para pagsama-samahin ang kanilang resources at tulungan ang mga apektadong lugar sa bansa bunsod ng bagyo.
“Magsama-sama tayo upang tulungan ang ating mga kababayan na nasalanta ng bagyo. Now is the time to come together as one. Tulungan natin sila,” pahayag ni Pacquiao.
Ipinost din ito ni Sen. Manny sa kanyang Twitter account kung saan sumagot si Robredo.
“Joining you in this call, Sen. Manny,” tweet ni Robredo.
“Thank you VP Leni. Let's begin coordinating our efforts, we already prepared cargo planes so we can mobilize and respond quickly,” sagot ni Pacquiao sa bise president.
Sa isang press briefing, sinabi ni de Guzman na ang pahayag ni Pacquiao ay "timely," at handa umano ang kanyang team na tumulong sa pagpapamahagi ng assistance sa mga biktima ng bagyo. Hiniling din nito sa mga may kakayahan na mag-donate financially para makatulong.
"Yung mga may bilyun-bilyon, may P3-5 billion na uubusin sa eleksyon, baka maganda kalahati niyan ibigay muna sa mga taga-Mindanao dahil nangangailangan sila doon," ani Ka Leody.
"Sa katulad ko... naghahanda yung aming organisasyon para maging makinarya sa distribusyon o kailan magbibigay... yun ang aming kontribusyon,” dagdag pa nito.
Marami pa ring lugar ang kasalukuyang binabayo ng bagyong Odette at marami na ring panawagan na tulong dahil sa iniwang pinsala ng bagyo.








Comments