top of page

Paano maiiwas si lalaki sa babae?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 19, 2020
  • 3 min read

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | August 19, 2020




Nakakatawa iyong isang biro sa facebook na habang nagtatalumpati ang Pangulo ay may layout sa ibaba na, “Sana ECQ na lang ng ianunsiyo mo, Mr. President, para hindi makapambabae ang syota ko! Labas nang labas, kung anu-ano ang idinadahilan!” “May pandemya na nga nagagawa pang makipagkita sa iba!”


Sabihin na natin na nagdududa ka, nakikita mo siyang masayang nakikipag-usap sa iba, tanggap ng lipunan ang malusog na ugali niyang palakaibigan, mahilig makipaghuntahan. Dalawa kasi ang ugali ng lalaki. Iyong isa ay kumpiyansa siya sa kanyang sarili at hindi maalis na may atraksiyon siya sa iba dahil sa pagiging makuwento.


Iba naman iyong isa na nagiging flirt na, dahil problema na ito nang magkarelasyon, magpartner o ng mag-asawa. Nakadidismaya, nakakawalan ng respeto at nagiging dahilan ng pagseselos.


May paraan naman para tapusin na ang ‘paglalandi’ ni partner at hindi kailangang tapusin ang relasyon o pakikipag-away ng madalas. Hindi naman lahat ng bagay na nais mo ay makukuha mo agad. Hindi nangangahulugan na pag-aari mo na ang iyong partner, lahat tayo ay may kani-kanyang buhay. Kaya kailangang pag-aralan mo muna ang kanyang personalidad, mga ugali at habits bago mo syotain o kaya habang nobyo mo pa lang siya. Isipin mo kung ano ang rason kung bakit nahuhumaling siya sa ibang girlash.


Baka naman sobra siyang bilib sa sarili. Pinipili niyang ilabas ito kaya nakikipag-ugnayan siya at inilalapit ang loob sa iba. Kung ito ang kaso, hayan at nakikilala mo na siya. Iyon kasing mayabong na emotional attachment niya sa iba ang nakakabagabag. Dito mo na ngayon titingnan ang iyong self-confidence para hindi ka ma-insecure at tanggapin ang personalidad ng partner.


Maaring ginagawa niya iyon upang maobserbahan ang sarili kung malakas ang loob niya. Ang malas lang kapag sobra siyang attractive ay nagpi-flirt siya kaya nasisira ang relasyon, depende kung gaano na ito kabigat para sa iyo.


Sa isang banda naman ang pag-akit niya sa ibang tao ay hindi naman nangangahulugan na ang partner ay nais nang magluko o mambabae para lang ipagpalit ka. Ang atraksiyon niya ay nangangahulugan na ang partner o asawa ay simpleng nagpapasalamat lamang sa paghanga sa kanyang magandang hitsura.


Ang attraction o ganda ng kanyang pisikal na katangian ay hindi laging nagdadala ng temptasyon o nang-aakit upang mangaliwa at lumala naman sa bandang huli ang iyong insecurity.


Pero kung talagang ang pagpi-flirt niya ay hindi mo na makeri at hindi mo na maipagpatuloy ang relasyon sa ganyan niyang ugali, diretsahin na siya. Ang tapat at open communication ay mas makatutulong sa halip na magalit at kimkimin ang bigat ng kalooban na baka sa bandang huli ay sumabog ka na lang dahil hindi mo nakaya ang pakiramdam.


Sabihin sa kanya na ika’y nababastos o nasasaktan kapag siya ay mas nagbibigay ng atensiyon sa ibang babae kaysa sa’yo maski kaharap ka. Tanungin siya kung bakit gusto niyang nagpapapansin sa opposite at ang sagot niya ang lilinaw ng lahat.


Kung bibigyan siya ng ultimatum, sabihin sa kanya na nagsisikap ka na unawain siya pero hindi mo makakayanan kung hindi kayo magkakasundo dahil paulit-ulit niyang ginagawa. Ikaw din ang magtuturo sa kanya kung paano ka niya tratuhin. Dinadaya mo ang iyong sarili kapag mananahimik ka na lang sa relasyong hindi ninyo deserve.


Isang obligasyon ang maging tapat sa kasuyo hinggil sa nararamdaman at iniisip. Minsan nagsisinungaling siya at ginagawa pa rin niya. Bagamat hindi mababago at personalidad at habit ng partner, piliting baguhin ang sitwasyon para hindi ka malungkot.


Kapag ang tao ay committed sa relasyon, hindi niya sasaktan ang iyong loob at naiisip niya ang mga bagay na kailangan mo. Hindi sila dapat magpatuloy sa mga bagay na ikalulungkot mo, makaseselos man o ikai-insecure mo.


Malugod man siya sa iba, hindi man magbago ang ugali niyang iyan, at least ang maipakita niya ang interes at care sa’yo at matiyagang pagagaanin ang loob mo.


Ang paghawak ng relasyon sa isang flirtatious partner ay nakaka-stress, nakakawala ng tiwala sa iyong sarili. Depende na rin ito sa iyong personalidad. Kung ayaw mong mawala ang partner at hindi mo gusto ang pagiging malambing niya sa iba, kailangan mo nang mamili.


Ito ba ay ang matutunan nang tanggapin ang pagkatao niya o ang tapusin na ang relasyon at humanap ka na lang ng iba na hindi ka bibigyan ng sama ng loob at insecurity. Ikaw lamang ang may kontrol sa iyong sarili kung hindi na matanggap ang relasyon na ganyan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page