top of page

Paalam mahal kong ina, Natividad Paguia Reyes

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 17, 2021
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| April 17, 2021



Pumanaw noong Linggo, ika-11 ng Abril 2021 ang aking mahal na ina pagkatapos ng mahigit 20-araw na pakikibaka sa kanyang karamdaman sa De Los Santos Memorial Hospital. Sinubaybayan ko ang kanyang kalagayan sa bawat araw ng pagkaka-ospital. Maraming pagkakataong natuwa tayo dahil tila lumalakas siya sa halip na humihina. Subalit, nag-iba ang takbo ng lahat apat o limang araw bago siya pumanaw.


Naging balisa na siya at madalas natutulog. Humina nang husto ang kanyang boses kumpara sa mga araw ng unang linggo ng kanyang pagkaka-ospital. Malakas at matapang ang kanyang boses. Ito ang normal na tinig ng aking ina na nakilalang mahigpit, ngunit magaling na guro sa kanyang mag-aaral. Isa na rito ang pumanaw na artistang-komedyanteng si Paquito Diaz.


Ang malakas, matapang, tiyak at tuwiran niyang tinig ang palagi nating maaalala dahil maraming pagkakataong natanong ng marami kung kanino ako nagmana sa matinding pambabatikos sa mga tiwaling opisyal, mabilis nating sagot, “Sa ‘king mahal na ina.”


Kaya noong kanyang kalakasan sa ospital, nasaksihan natin sa pamamagitan ng video call sa kanyang “caregiver” kung paano siya makipag-usap at minsan’y makipagsagutan pa sa kanyang mga nars at doktor. Buong tapang nitong inirereklamo ang paulit-ulit na pagtusok sa kanyang mga braso, daliri at kamay ng mga karayom. Ipinahayag nito ang kanyang pagkainis sa mga tubo (oxygen), canola na nakapasok sa kanyang ilong at nang tuluyan siyang nawalan ng gana.


Napakasakit makita’t marinig ang unti-unting paghina ng katawan at tinig ng aking mahal na ina sa mga huling araw bago siya mamaalam sa kanyang napakaganda’t makabuluhang buhay. At wala na tayong hawak ngayon kundi ang buhay at mananatiling palaging buhay na alala ng kanyang pagkata, paninindigan at pagpapahalaga.


Pagkatapos ng kanyang cremation noong Martes, ika-13 ng Abril 2021, binigyang-diin natin ang walang kakupas-kupas niyang pamana: ang pagtingin at paghanga sa kagandahan, kapayakan, katipiran at ang walang hanggang pagmamahal na walang inaasahang anumang kapalit.


Ilang beses nakilala ang kanyang kagandahan. Una, bagama’t galing sa mahirap na pamilya, nakilala ng kanyang mga kamag-aral ang kanyang kagandahan. Kasabay ng kanyang kagandahan ay ang talino kaya siya ang naging valedictorian sa Torres High School at sa kanyang pagtatapos sa Philippine Normal University. Matalas ang mata niya sa kagandahan. Mabilis niyang pupurihin ang sinumang babaeng kakaiba ang kagandahan. Mahilig siya sa mga bulaklak, mamahalin o karaniwan. Marami kaming bougainvillea at madalas kong marinig sa kanya, “Anak ang ganda ng mga bulaklak.”


Hindi kinakailangang maging magarbo, palagi siyang simple at ordinary, tila nakikita rin niya sa kapayakan ang kagandahan. Marahil ito ang nakita niya sa aking ama na sa kabila ng kakisigan nito noong ito ay binata pa, napaka-simple niya. Walang luho, yabang at nagpatuloy itong ganito hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.


Sa halip na gumastos, mas pipiliin niyang magtipid at mag-ipon. Hindi ito nagsa-shopping sa mall, kundi sa talipapa o sa mga tindahan lamang sa paligid ng aming barangay. Halos hindi natin nakita itong magsuot ng alahas o bumili ng bagong damit.


Walang hanggang pagmamahal na walang inaasahang anumang kapalit. Anumang hingin natin sa kanya ay hindi niya ipinagkakait. Mabuti na lang at nahawa tayo sa kanyang kasimplehan at katipiran.


Noong mga huling araw at sandali ng kanyang buhay, madalas tayong tumatawag sa kanyang caregiver upang makausap siya. Pahina nang pahina ang kanyang boses. Noong una, nasasabi pa niyang, “Oo, alam kong ikaw si Fr. Robert.” Magdarasal kami, babasbasan ko siya at sasagot siyang, “Amen.” Ngunit sa mga huling sandali noong linggo, magtatanong ako sa kanya, “Ungol na lang ang aking maririnig.” Ngunit sa kabila ng nakalulungkot na tunog ng dating tinig na malakas, tiyak at matapang ay naramdaman natin ang lalim ng koneksiyon ng dalawang puso—ng ina at ng kanyang anak.


Hindi na makikita ng aking mata, maririnig ng mga tainga at mararamdaman ng mga palad ang aking ina, ngunit, sa hindi mabilang na ala-ala ng kanyang kagandahan, talino, kapayakan, katipiran at walang hanggang pagmamahal, sapat nang pumikit ako’t pakinggan ang tibok ng aking puso… nandoon siya, buhay siya ang pinakamamahal kong ina.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page