Paalala na maging pasensyoso para ‘di mahiwalay sa dyowa
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 13, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Gerald ng Bataan.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na naglalakad ako sa park nang maaga, tapos umupo ako malapit sa fountain. Ang sarap ng pakiramdam ko dahil kaaya-ayang tingnan ang tubig sa fountain. Kapansin-pansin din ang fog sa paligid nito, tapos ang lamig sa pakiramdam.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Gerald
Sa iyo, Gerald,
Ang ibig sabihin ng panaginip mo na naglalakad ka sa park ay kasaganaan, tagumpay sa negosyo at marami kang makikilala na mabubuting kaibigan. Ang fountain naman na kaaya-ayang tingnan ay nangangahulugan na may mamanahin kang malaking halaga mula sa yumao mong mahal sa buhay.
Samantala, ang fog sa paligid ng fountain ay nagpapahiwatig na hindi stable ang relasyon n’yo ng dyowa mo o masyado itong kumplikado.
Ang sabi mo ay malamig sa pakiramdam habang pinagmamasdan mo ang fog sa paligid ng fountain, ibig sabihin, kailangan mong maging pasensosyo dahil kung hindi, mauuwi sa hiwalayan ang relasyon n’yo ng dyowa mo. May posibilidad na manlamig kayo sa isa’t isa hanggang sa tuluyan nang maghiwalay.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments