Paalala na mag-doble ingat ‘pag nakarating sa abroad
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | September 24, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Giovann ng Mindoro.
Dear Maestra,
Napanaginipan ko na natanggap ako sa ina-apply-an kong trabaho sa abroad, tapos kinabukasan ay flight ko na. Pumunta ako sa airport at tuwang-tuwa ako sa mga eroplano na nakikita kong lumilipad sa himpapawid hanggang sa tuluyan na akong pumasok sa airport.
Marami akong dalang bagahe, tapos nakabantay ako sa mga ito para hindi mawala hanggang sumakay na rin ako sa eroplano papunta sa bansang pagtatrabahuhan ko.
Ano ang ibig sabihin ng panaginip ko?
Naghihintay,
Giovann
Sa iyo, Giovann,
Ang ibig sabihin ng natanggap ka sa pinag-apply-an mong trabaho sa abroad ay may naghihintay sa iyong magandang kapalaran na magpapabago sa takbo ng buhay mo ngayon.
Ang eroplano na natanaw mong lumilipad sa himpapawid ay nagpapahiwatig ng mabilisang pagbabago sa buhay mo tungo sa pag-unlad. ‘Yun namang nakasakay ka na sa eroplano ay nangangahulugan na ibayong pag-iingat ang dapat mong ipatupad upang makaiwas ka sa hindi magandang pangyayari kapag nasa abroad ka na.
Samantala, ang mga bagahe na binantayan mo upang hindi mawala ay nagpapahiwatig na makakaranas ka ng kaunting problema sa pananalapi kung hindi ka mag-iingat sa paggastos.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments