top of page

Paalala na labanan ang lungkot at pag-aalala

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 14, 2020
  • 2 min read

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 14, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Ursula na ipinadala sa Facebook Messenger.

Dear Professor,


Dinalaw ko sa ospital ang aking kumare na best friend ko rin sa tunay na buhay. Tinamaan siya ng COVID-19, tapos hiniling niya na dalawin ko siya. Nagkuwentuhan kami at binalikan namin ‘yung mga pinagsamahan namin, tapos masaya at nagtatawanan kami.


Bigla siyang gumaling at sumama sa akin sa pag-uwi. Hindi ko alam kung paano kami nakalabas ng hospital, basta ang alam ko, nakauwi kami.


Ano ang kahulugan ng panaginip ko?


Naghihintay,

Ursula


Sa iyo Ursula,


Ang sabi, walang gamot sa COVID-19, pero ‘yung best friend mo ay mukhang gumaling dahil sa mga kuwentong masasaya, pero ito ay hindi likhang-isip kundi mga tunay na pangyayaring naranasan n’yong dalawa.


Totoo na ang saya, ligaya at pagtawa ay nakagagamot. Maaaring hindi ito kasali sa mga sinasabing gamot na nauuso, pero mabilis itong sinasalungat ng gobyerno at agad nilang sasabihin na walang gamot sa COVID-19.


Dahil ang saya, ligaya at pagtawa ay hindi naman bagay na tulad ng mga iniimbento o nadidiskubre ng mga tao kung saan kapag ginamit ng mamamayan ay malulugi ang malalaking kumpanya, kaya hindi pa man gaanong sumisikat ay agad na nilang sinisiraan.


Maaaring kontra agad ang mga doktor sa mga napabibilang na gamot dahil natatakot sila, as in, nag-aalala sila na wala nang magpapagamot sa kanila.


Sa mga unang balita sa kasagsagan ng COVID-19, maraming nagsigaling ang nagsabi na milyun-milyong piso ang ibinayad nila sa mga doktor at hospital, kaya kung ang mga tao ay gagaling sa mga simpleng bagay na hindi naman mahal o wala gaanong gastos, pipiliin nilang magpagaling nang hindi magbabayad ng milyun-milyong piso.


Pero tinitiyak ko sa iyo na lahat ng doktor, may-ari ng hospital at namamahala sa mga ahensiya ng gobyerno tungkol sa health isyu ng mga tao ay hindi kokontra sa sinasabing “Laughter is the best medicine.”


Ano sa palagay mo, tama kaya ito?


Ito mismo ang mensahe ng iyong panaginip. Hindi sa kumare na best friend mo kundi sa iyo mismo na labanan mo ang lungkot at labis na pag-aalala. Magsaya at tumawa ka, pero huwag kang tatawa mag-isa dahil puwede ka namang manood ng masasayang palabas.


Puwedeng-puwede rin namang maghanap ka ng kakuwentuhan kung saan ang pagkukuwentuhan n’yo ay mga nakakatawang bagay.

Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page