Paalala na dapat maging matapang at matatag tulad ng namatay na erpat
- BULGAR

- Aug 18, 2020
- 1 min read
ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | August 18, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Ester na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Napanaginipan ko si papa, pero sa totoong buhay ay limang taon na siyang patay. Bakit dalawang beses ko na siyang napanaginipan sa magkasunod na gabi?
Naghihintay,
Ester
Sa iyo Ester,
Para sa ating mga Pinoy, ang ama ay haligi ng tahanan. Kaya ang pamilya ay matibay at hindi basta nabubuwal dahil si tatay ang nagmamahal sa atin.
Kapag ang ama ay napanaginipan, ipinaaalala sa anak na nanaginip na siya ay dapat maging matapang at handang harapin ang mga hamon ng kapalaran tulad ng ginagawa ng kanyang ama nang siya ay nabubuhay pa.
Kaya madali lang naman malaman kung bakit ang ama na patay na ay napanaginipan dahil ibig sabihin, ang nanaginip ay naduduwag sa buhay.
Ester, maging matapang ka dahil inaasahan ng papa mo na hindi masasayang ang mga ipinakita niyang tapang sa iyo nang siya ay nasa lupa pa.
Lakasan mo ang iyong loob dahil ito ang gusto ng papa mo. Hindi puwedeng mamalagi kang duwag at mahina dahil kapag ito ay nagpatuloy, matutulad ka sa mga dahon na tinatangay ng malalakas na hangin at walang kakayahang labanan ang ihip nito.
Kapag ganu’n ang nangyari, dadalhin ka lang kung saan-saan, masasaktan ka at makikitang ikaw ay nag-iisa at luhaan.
Ayaw ng papa mo na maging ganu’n ka, kaya muli, lakasan mo ang iyong loob. Tapang ang kailangan mo.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo







Comments