Paalala na dapat mag-ingat sa pakikitungo sa mga kasambahay
ni Estrellia de Luna - @Panaginip gabay ng buhay | March 8, 2022
Analisahin natin ang panaginip na ipinadala ni Leony ng Zambales.
Dear Maestra,
Isa akong tagahanga ng column n’yo at araw-araw ko itong binabasa, kaya gusto ring magpaanalisa ng aking panaginip.
Napanaginipan ko na nagtatrabaho ako sa isang tindahan ng mga samalamig. Iba’t ibang inumin ang aming tinitinda gaya ng buko juice, grape juice, gulaman, sago, etc. at ako ang tagatimpla ng mga ito. Una kong tinitimpla ‘yung grape juice at nang itinimpla ko ito, naglagay ako ng kaunting asukal. Hinalo ko nang hinalo at pabilis nang pabilis, tapos natapon sa damit ko, kaya nagkamantsa ito at dali-dali kong inalis ‘yung mantsa.
Ano ang kahulugan ng panaginip ko?
Naghihintay,
Leony
Sa iyo, Leony,
Ang ibig sabihin ng nagtatrabaho ka sa tindahan ng samalamig ay katamtamang buhay na kahit banayad lang ang pasok ng pera sa inyo ay hindi naman kayo kinakapos. Kumbaga, tamang-tama lang sa inyong mga pangangailangan.
Samantala, ‘yung hinalo mo nang hinalo ang juice hanggang natapunan ang damit mo, ito ay nagpapahiwatig ng pansamantalang alitan o hindi pagkakaunawaan sa mga kasama mo sa bahay. Gayunman, ang pabilis nang pabilis na paghalo mo sa juice ay nagpapahiwatig na habang patagal nang patagal ang hindi n’yo pagkakaunawaan, maaari itong mauwi sa away.
‘Yun namang dali-dali mong inalis ang mantsa sa damit mo, nangangahulugan ito na dapat kang mag-ingat ng pakikitungo sa kapwa. Dapat mong pakitunguhan ng maganda ang mga taong nakapaligid sa iyo, lalo na ang mga kasambahay mo dahil kung hindi, sila ang magiging banta sa kaligayahan mo. Hindi ka magkakaroon ng kapanatagan ng isip at kalooban dahil sa kanila.
Matapat na sumasaiyo,
Maestra Estrellia de Luna




Comments