Pa-negosyo sa transport workers, dagdag-tulong
@Editorial | October 14, 2021
Patuloy ang pandemya, non-stop ang dagdag-presyo sa petrolyo, limitado ang biyahe at pasahero, ito ang mga bagay na talagang nagpapahirap ngayon sa mga nasa transport group.
Wala silang ibang maisip na paraan kundi ang magtaas ng singil sa pasahe, bagay na hirap din silang ipilit dahil batid nilang magiging pasanin ito sa mga kababayan.
Bilang tugon, isang Memorandum of Agreement (MOA) ang pinirmahan sa pagitan ng Department of Transportation (DOTr), Department of Labor and Employment (DOLE), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Office of Transportation Cooperatives (OTC) na magbibigay ng tulong sa mga transport workers. Kung saan, bibigyan sila ng oportunidad na makapagnegosyo at magkaroon ng pagkakakitaan.
Base sa kasunduan, ang LTFRB at OTC ang tutukoy sa mga benepisaryong tsuper, konduktor, dispatcher, mekaniko at iba pang transport employees — miyembro man o hindi ng kuwalipikadong kooperatiba.
Tatanggap ang bawat benepisaryo ng P30,000 na halaga ng tulong, habang bibigyan naman ng P1 milyon ang group projects.
Sa pamamagitan ng “enTSUPERneur”, maaaring magkaroon ng alternatibong pangkabuhayan ang transport workers.
Umaasa tayong patuloy na aalalayan ng pamahalaan ang mga transport workers, hindi lang sa pagbibigay ng puhunan kundi sa mismong paggamit at pagpapalago nito.
Sa panahon ngayon, anumang halaga ay napakalaking bagay. Kailangang maging mas matalino at madiskarte sa buhay alang-alang sa pamilya.
Mabigyang-pansin din sana ang iba pang sektor na talagang umaaray sa mga epekto ng pandemya.



Comments