Pa-ayuda, dapat may sapat na pondo para walang gulo
@Editorial | September 15, 2022
Nagbigay ng pahayag ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa ipinamimigay na ayuda sa mga estudyante.
Ayon sa ahensya, hindi tiyak na mabibigyan ng educational cash assistance ang lahat ng mga nag-apply online at nakatanggap ng text confirmation.
Dumaraan pa umano sa assessment ng social workers ang lahat ng mga nagrehistro online at depende rin ito sa availability ng pondo.
Mula sa kabuuang P1.5 bilyon na pondo para sa naturang assistance, nasa P941.46 milyon na umano ang naipamahagi sa 375,485 indigent and in crisis students.
At kapag natapos at naubos na ang pondo ay posible umanong mamahagi ulit ng educational assistance sa susunod na school year. Una nang umapela ang DSWD sa House of Representatives na tumulong sa ahensya para maipagpatuloy ang distribusyon ng one-time educational cash aid.
Sana, silang mga pinaasa ngayon sa ayuda, eh, makabawi sa susunod na bigayan.
Nakikita natin ang matinding kagustuhan ng gobyerno na makatulong sa mga estudyante.
Bagama't hindi maiiwasan na magkaroon ng problema sa distribusyon, may mga reklamo at tiyak na madaragdagan pa dahil sa anunsyo na hindi pala lahat ng nakatanggap ng kumpirmasyon sa text ay mabibigyan.
Umaasa tayo na magiging maayos pa rin ang lahat. Ang mga suliranin na naglabasan kasabay ng pamimigay ng ayuda ay magagamit na aral para sa mga susunod na pagkakataon.
Natuto na sana tayo kung ano ang mas epektib at safe na paraan ng pamimigay ng tulong. Alam na natin kung paano matutukoy ang mga karapat-dapat na mabigyan ng ayuda at nasaksihan na natin na hindi simple ang ganitong sitwasyon. Kailangang maging handa, organisado at higit sa lahat, may sapat na pondo para iwas-gulo.



Comments