ni Eli San Miguel - Trainee @News | March 3, 2024
Maaaring idagdag ang P6 bilyon sa ayuda para sa mga biktima ng Marawi siege noong 2017, ayon sa isang mambabatas mula sa Mindanao nitong Linggo.
Sinabi ni Surigao del Sur 2nd Dist. Rep. Johnny Pimentel na manggagaling ang karagdagang alokasyon para sa Marawi Siege Victims Compensation Fund mula sa mga unprogrammed appropriations ng 2024 national budget.
“The P6 billion is on top of the initial P1 billion in programmed appropriations for the compensation fund in 2023, and another P1 billion in programmed appropriations for the fund in 2024,” pahayag ni Pimentel.
Noong una, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na "standby funds" ang unprogrammed appropriations. Hindi ito binibigay nang awtomatiko at ginagamit lamang kapag natutugunan ang tiyak na mga kondisyon, tulad ng pagtaas ng buwis.
Ayon pa sa ahensya, umabot sa P731.4 bilyon ang unprogrammed funds para sa 2024.
Bagaman hindi pa natutugunan ang mga kondisyon para sa pagpapalabas ng pondo, sinabi ni Pimentel na naniniwala siyang makakapaglaan ang pamahalaan ng karagdagang P6 bilyon para sa pondo ng kompensasyon.
תגובות