top of page
Search
BULGAR

P591.8B pondo sa 2025, tiyaking mapupunta sa mahihirap

by Info @Editorial | August 16, 2024



Editorial

Sa gitna ng nararanasang hirap dulot ng kalamidad, krisis at pagtaas ng presyo ng mga bilihin, marapat lang na maging mas pursigido ang gobyerno sa pagtulong o pag-alalay sa mga nangangailangan.


Ang pamimigay ng ayuda ang itinuturing na isa sa pinakamaagap na paraan.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), maglalaan ang gobyerno ng P591.8 bilyon para sa ayuda sa panukalang 2025 national budget. Pinakamalaki ang alokasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na nasa P114.2 bilyon. 


Gayunman, wala sa national budget ang pondo para sa “Ayuda sa Kapos ang Kita” (AKAP) na nakatanggap ng P26.7 bilyon ngayong 2024. 


Wala rin umano ang AKAP sa bersyon ng 2024 budget na inaprubahan ng Senado pero ipinasok sa Bicameral Conference Committee nang hindi umano nalalaman ng ibang miyembro ng komite.


Paliwanag ng DBM, karaniwang inuuna ng ahensya na gastusan ang mga proyektong puwede na agad ipatupad at kung minsan ay may gusto ang Kongreso na hindi naman talaga prayoridad ng ahensyang magpapatupad nito.


Masasabing masalimuot ang pagbusisi sa pondong inilalaan sa bawat ahensya ng gobyerno at dapat lang naman para matiyak na mapakikinabangan ng mamamayan at hindi mapupunta sa bulsa ng mga gahaman.


Ngayon pa lang, suriin na rin ang mga benepisyaryo, sila ba ay karapat-dapat sa ayuda o may mas higit pang nangangailangan.


Kailangan ding mabantayan ang pondo laban sa banta ng pamumulitika lalo’t mag-eeleksyon na naman.


Hindi dapat nagagamit ng mga pulitiko ang programa lalo na ayuda para bumango ang kanilang pangalan.


Sa huli, umaasa tayo na magiging maayos at talagang mapupunta sa mga karapat-dapat ang bilyones na kaban ng bayan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page