Livelihood kontra-krisis
- BULGAR

- 1 day ago
- 2 min read
by Info @Editorial | March 22, 2026

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, lalong nagiging malinaw na ang krisis na kinakaharap ng bansa ay hindi lamang pansamantala kundi mas lumalalim pa.
Sa susunod na linggo, inaasahang sisirit ang presyo ng petrolyo sa P130 kada litro. Dahil dito, malamang na susunod na rin umano ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo—isang dagok na direktang tumatama sa bulsa ng karaniwang mamamayan.
Sa ganitong sitwasyon, hindi na sapat ang mga panandaliang tugon tulad ng fuel subsidy o ayuda. Bagama’t nakatutulong ang mga ito sa maikling panahon, hindi nito natutugunan ang ugat ng problema: ang kakulangan ng matatag at sapat na pinagkakakitaan ng mga mamamayan.
Dito pumapasok ang mahalagang papel ng pinalawak na livelihood programs bilang pangmatagalang solusyon kontra-krisis.
Kung ang presyo ng petrolyo ay patuloy na tumataas, tataas din ang gastos sa transportasyon, produksyon, at distribusyon ng mga produkto. Ang epekto nito ay domino—mula sa magsasaka hanggang sa maliliit na negosyante, hanggang sa karaniwang mamimili. Kung walang alternatibong pagkakakitaan o dagdag na kita, lalong lulubha ang kahirapan.
Kaya nararapat lamang na mas palawakin at palakasin ang mga livelihood program ng pamahalaan.
Hindi lamang ito dapat nakatuon sa pagbibigay ng puhunan, kundi pati sa pagsasanay. Sa ganitong paraan, nababawasan ang pagdepende sa sektor na direktang tinatamaan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Higit pa rito, mahalagang tiyakin na ang mga programang ito ay umaabot sa mga pinakaapektadong sektor—mga tsuper, magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante—na unang tinatamaan ng pagmahal ng langis.
Sa pamamagitan ng mas malawak at mas inklusibong livelihood programs, maaaring gawing oportunidad ang krisis—isang hakbang tungo sa mas matatag, mas independent, at mas handang lipunan.


Comments