P3 dagdag-presyo, inihirit ng manufacturers ng sardinas
- BULGAR
- Oct 22, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | October 22, 2022

Hiniling ng mga manufacturers ng mga canned sardines ang P3 dagdag sa presyo ng kanilang mga produkto dahil anila ito sa pagtaas ng presyo ng diesel, paghina ng palitan ng peso, habang tumaas din ang presyo ng imported na tin sheets na ginagamit sa paggawa ng mga cans o de-lata.
Sa isang interview ng GMA Dobol B ngayong Sabado, ayon kay Canned Sardines Manufacturers Association of the Philippines (CSMAP) executive director Francisco Buencamino, masaya sila sa naging pahayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na maingat na ini-evaluate ng ahensiya ang kahilingan ng mga manufacturers ng canned goods at bread products para sa isang price increase.
“Mabuti naman at napag-aaralan na nila dahil matagal na po ‘yang hinihiling na adjustment sa price pero ang aming hinihiling ay doon sa mga SRP (suggested retail price) products,” saad ni Buencamino.
Humihingi ang mga canned goods makers ng isang dagdag-presyo sa kanilang mga produkto kasunod ng pagtaas ng mga presyo ng ingredients at raw materials na ginagamit sa kanilang produksyon.
Nang tanungin, kung magkano ang itataas na presyo na petisyon ng mga manufacturers ng canned sardines, sinabi ni Buencamino, “Tatlong piso”.
Kung pag-uusapan naman ang pag-i-import ng mga tin sheets, paliwanag ni Buencamino, “[Canned sardines makers] are forced to surrender to the $1:P59 peso to dollar conversion rate.”
Gayundin aniya, ang mas mahinang palitan ng peso ay nagiging dahilan din sa pagbabago ng presyo ng diesel na ginagamit sa pag-fuel ng mga commercial fishing vessels para tumaas ang mga ito.
“Ang nagpataas talaga ng presyo… tumaas ang presyo ng isda dahil sa diesel ang ginagamit sa motor banca at commercial fishing vessels,” sabi ni Buencamino.
Sinabi naman ng DTI na ini-request na nila mula sa mga manufacturers ang lahat ng mga data upang matiyak na ang mga presyo ay tama at reasonable para sa mga konsyumer.
Comments