P243M puslit na diesel, yosi nasabat

ni Mai Ancheta @News | October 9, 2026

Photo: Philippine Navy, nasabat ang P243.19 milyong halaga ng mga puslit na sigarilyo sa Tawi-Tawi kaugnay sa pinalakas na kampanya ng gobyerno laban sa smuggling. (Mai Ancheta)
Nasabat ng mga operatiba ng Naval Command Western Mindanao ang isang barkong may kargang P243.19 milyong halaga ng puslit na mga sigarilyo at hinihinalang diesel fuel sa karagatang bahagi ng Ubian, Tawi-Tawi.
Bahagi ito ng nagpapatuloy na kampanya ng pamahalaan laban sa maritime smuggling at iba pang ilegal na aktibidad sa Western Mindanao.
Batay sa report ni Rear Admiral Constancio Arturo Reyes, Commander ng Naval Command Western Mindanao, nasabat ng kanyang mga tauhan ang M/B Dolphin sa inilunsad na operasyon at dito natuklasan ang mga hinihinalang kontrabando.
Kabilang sa nasamsam ay 1,576 master cases ng hindi dokumentadong mga sigarilyo, kasama ang 12 drums ng hinihinalang smuggled na diesel fuel.
Ang mga nasamsam na sigarilyo at diesel ay itinurn-over ng Philippine Navy sa Bureau of Customs para sa angkop na disposisyon at pagsasampa ng legal na aksyon.
Naniniwala ang mga otoridad na malaking dagok sa mga smuggler at suwitik na mga negosyante ang pagkasakote sa kanilang kontrabando.





Comments