P200 monthly ayuda kada pamilya kontra-oil price hike, sapat ba?
@Editorial | March 17, 2022
Hindi na talaga maawat ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Mas dumami pa ang mga umaaray at napilitan nang hindi magtrabaho.
Kamakalawa nang magtigil-palaot ang mga mangingisda dahil suko na sa mahal ng krudo. At ang pinangangambahang dulot nito, shortage sa supply ng isda at pagmahal ng presyo.
May mga negosyante na ring nag-a-adjust sa kanilang operasyon.
Iba-iba rin ang diskarte ng bawat pamilya kung paano pa mas makakatipid.
Samantala, inaprubahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang rekomendasyon ng Department of Finance, kaugnay sa pagtaas ng fuel price.
Una, ang pag-retain ng fuel excise taxes na ini-impose ng TRAIN [Tax Reform for Acceleration and Inclusion] Law dahil ang pagsuspinde umano nito ay magre-reduce ng government revenue ng P105.9 billion na magpopondo sa mga programa ng pamahalaan.
Pangalawa, ang pagbibigay ng P200 ayuda kada buwan sa bawat pamilyang mahihirap.
Sa panahon ngayon, ang anumang halaga ay malaking tulong para makaraos sa araw-araw pero ang tanong ng karamihan, todo na ba 'yung P200 kada buwan? Wala na bang pondo ang gobyerno? Hindi ba puwedeng hanapbuhay o anumang mapagkakakitaan na ang ibigay kesa ayuda?
Mabilis lang maubos ang P200, hindi 'yan aabot nang isang buwan.
Kung may mga naitatabi pang pondo ang gobyerno, sana gamitin na.



Comments