P16-B budget para sa barangay, dapat bantayan, mga korup, out!
@Editorial | July 09, 2021
Nasa kabuuang P16.24 billion o 99 porsiyento ng pondo para sa Barangay Development Program (BDP) ang nai-release sa Local Government Units (LGUs).
Ito ang kinumpirma ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ilalaan ang nasabing pondo para sa 2, 276 proyekto ng 812 barangay, kung saan ang mga alokasyon ay naaprubahan at nai-release na ng Department of Budget and Management (DBM).
Nakalaan ang nasabing pondo sa farm-to-market road projects, water and sanitation system, school buildings, health station, rural electrification, ganundin sa agricultural, livelihood at technical vocational projects. May ayuda ring inilaan para sa mga indigent individuals at families. Meron din para sa COVID-19-related projects.
Ang malaking halagang ito ay tiyak na mas malaki ang magagawang tulong at suporta sa mga barangay. Batid natin kung gaano pinadapa ng pandemya ang kabuhayan ng bawat isa. Maging ang mismong gobyerno ay talagang nagtripleng kayod para makalikom ng pondo.
Kaya ang panawagan sa mga mamamahala sa nasabing budget, paki ingatan po nang sobra at ‘wag sanang masayang, higit sa lahat, iwasang mapunta sa bulsa ng kung sinuman.
Tandaan, mas mapagmatiyag na ngayon ang taumbayan, sa pamamagitan ng social media, mas mabilis na ang pagbubulgar at mas madali nang mabuking sa mga ebidensiya.



Comments