P-BBM, imbes unahing ibaba ang bigas, prayoridad ang paghahanda ng kapartido sa eleksyon
- BULGAR
- Aug 26, 2023
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | August 26, 2023
IMBES IPRAYORIDAD NI P-BBM MAPABABA ANG PRESYO NG BIGAS, ANG PINAPRAYORIDAD KAPAKANAN NG MGA KAPWA NIYA TRAPO -- Nanawagan si Pres. Bongbong Marcos (P-BBM) sa mga kapartido niyang trapo (traditional politician) sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na paghandaan na ang darating na 2025 national at local elections.
Pambihira naman, eh, katatapos lang ng eleksyon last year, at year 2024 pa lang next year at sa May 2025 pa ang susunod na halalan, pero ang iniisip na ni P-BBM ay kapakanan ng kanyang mga kapartido kaya pinaghahanda na niya ang mga ito sa national at local elections.
Bilang presidente, ang dapat iprayoridad ni P-BBM ay paano mapapababa ang presyo ng bigas, ang masaklap, mas pinaprayoridad niya ang kapakanan ng mga kapwa niya trapo, buset!
◘◘◘
GUSTO BA NI DIOKNO NA ANG BUDGET SA FREE EDUCATION ILAGAY SA MAHARLIKA INVESTMENT FUND? -- Si Sec. Benjamin Diokno ng Dept. of Finance (DOF) na "utak" ng Maharlika Investment Fund (MIF), ay nagmungkahi sa Kongreso na itigil na ang free education sa Pilipinas.
Tila yata ang gustong mangyari ni Diokno ay ‘yung budget para sa mga iskolar ay ipasok sa Maharlika Investment Fund, kaya iminumungkahi niyang itigil na ang free education sa ‘Pinas, boom!
◘◘◘
HINDI NABABAHALA SI DIOKNO SA LAKI NG UTANG NG ‘PINAS KASI MAMAMAYAN ANG MAGBABAYAD SA MGA INUTANG -- Para kay Diokno ay hindi raw nakakabahala ang napakalaki nang utang ng ‘Pinas sa iba’t ibang financial institution sa buong mundo.
Ang mga tulad ni Diokno na may katungkulan sa gobyerno ay hindi talaga mababahala sa napakalaking utang ng ‘Pinas, kasi nga mamamayan ang pagbabayarin nila sa utang ng bansa, saklap!
◘◘◘
WA’ ‘WENTA ANG SIM REGISTRATION ACT NA ISINABATAS NI P-BBM --Isinabatas ni P-BBM ang SIM Registration Act para raw matigil na ang pang-i-scam sa cellphone ng mga mangraraket, pero ang masaklap, kahit may ganyan nang batas ay tuloy pa rin ang mga mangraraket sa pang-i-scam sa mamamayan gamit ang cellphone.
Patunay ‘yan na wa’ ‘wenta ang SIM Registration Act na isinabatas ni P-BBM, boom!





Comments