ORO, PLATA, MATA
ni Lucifera @Lagim | October 30, 2023
“Ang konti naman ng binigay mo sa anak ko!” Pagrereklamong sabi ng kanyang kuya.
Kumunot ang noo ni Orange sa sinabi ng kanyang kapatid. Sigurado kasi siyang hindi ito nagbibiro. Gayunman, pinili pa rin niyang tawanan ang sinabi nito. “Sobra-sobra na nga ang dagdag n’yan, kuya.”
“Kung hindi dahil kay Libby, hindi kikita ang vlog mo. Kaya dapat mas mataas ang talent fee niya!” Pagmamaktol na sagot nito.
Ayaw niyang patulan ang kanyang nakakatandang kapatid, kaya minabuti niya na lang na manahimik. Sinabi niya sa kanyang sarili na mas okey siguro kung hindi niya na lang isasali si Libby sa kanyang pagba-vlog, para hindi na mag-isip ng kung anu-ano ang kanyang kapatid.
“May galit ka ba sa akin? Sa amin ng anak ko?” Tanong sa kanya nito, at ang tono ng pananalita nito ay para bang naghahamon ng away.
“Ano ba talaga ang problema, kuya?” Napipikon niyang sagot, pero kailangan pa rin niyang huminahon.
“Hindi mo na kami binibigyan ng pera!”
Kumunot ang noo niya dahil isang kasinungalingan ‘yun. “Binigyan ko kayo, ah!"
“Kakapiranggot!”
Marahas na buntong hininga ang pinawalan ng kanyang kapatid. “Hindi naman kasama sa vlog si Libby, ah?!”
“Eh, bakit hindi mo isinasama? Saka kahit hindi mo siya nakakasama sa mga vlog mo, ang mga dati niyang videos ay patuloy pa ring kumikita.”
Kahit na totoo ang sinasabi ng kanyang kapatid ay napailing pa rin siya, para kasing hindi ito ang kanyang kuya.
“Ano bang nangyayari sa iyo?”
“Kung hindi dahil kay Libby, hindi ka magkakaroon ng sandamakmak na salapi. Kaya, dapat lamang na maambunan kami ng todo. Saka, si Libby ang dahilan kaya may pumapasok na pera sa vlog mo at dahil ‘yun sa matandang lalaki na nagsabi sa kanya na dadami ang kanyang salapi.”
Gusto sana niyang tawanan ang sinasabi ng kanyang kapatid pero hindi niya ito nagawa dahil kitang-kita sa mata nito kung paano nagbago ang hitsura ng kanyang kuya.
Nanlilisik ang mga mata nito habang nakatitig sa kanya.
Itutuloy…




Comments