top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Oplan Baklas ng Comelec ipina-stop ng SC, mga pasaway lalong aarangkada

BULGAR
Mar 11, 2022
2 min read

@Editorial | March 11, 2022


Naglabas na ng temporary restraining order (TRO) ang Supreme Court (SC) laban sa ipinatutupad na "Oplan Baklas” ng Commission on Elections (Comelec).


Ayon sa SC, ito ay resulta ng isinagawang en banc deliberations ng mga mahistrado ng korte.


Una nang inihain ang petisyon na kumukuwestiyon sa Oplan Baklas ng Comelec sa umano’y mga ilegal na tarpaulin ng mga kandidato.


Partikular ang probisyon na nag-uutos sa mga tauhan ng Comelec na baklasin ang mga campaign materials na ikinabit ng mga hindi naman kandidato kahit pa nakalagay ang mga ito sa kanilang private property.


Inihirit din ng mga petitioner sa SC na atasan ang Comelec na isauli o ibalik sa mga may-ari ng pinagbabaklas na tarpaulin ang mga kinumpiskang campaign materials.


Kasunod nito, inabisuhan naman ang lahat ng lokal na pamahalaan, ang Philippine National Police (PNP), at iba pang law enforcement agency na suspindihin ang mga nakaplano at isinasagawang Oplan Baklas sa buong bansa.


Binigyan naman ng SC ang Comelec ng 10-araw para magkomento sa isyu.


Pero, ang nais sana nating mas matutukan ay 'yung mga nagkalat sa mga pampublikong lugar.


Kapansin-pansin ang mga oversized posters at mga campaign paraphernalia sa mga hindi naman itinakdang common poster areas.


Bukod sa masakit sa mata at dagdag-basura, may mga posters na nagiging banta pa sa kaligtasan ng publiko. May mga nakikita tayong nakabalandra sa kalsada, nakasabit sa kable ng kuryente at kung saan-saan pa. Ngayong tigil ang baklasan, malamang mas aarangkada ang mga pasaway.


Sa totoo lang, kung matino sana ang paglalagay sa mga campaign materials, hindi na sana ito nakakadagdag sa problema ngayon at wala ng oras, pagod at pondong nasasayang.


Alam naman natin ang tama, ang bawal at ang makabubuti sa lahat, bakit hindi magawa?

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page