top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

“One person, one FB account” kontra-fake news

BULGAR
Jun 27, 2021
2 min read

@Editorial | June 27, 2021


Ilan ang iyong Facebook account?


May iba na isa lang, pero may ilan naman na dalawa o higit pa, bagay na isa sa sinasabing dahilan kung bakit lumalaganap ang “troll farm”.


Ang troll farm ay isang organisado at sistematikong grupo na umaatake sa mga supporters at kalabang pulitiko gamit ang internet. Ang ilan sa kanila, taga-repost, retweet, tagagawa ng memes at influencers na may maraming followers sa kanilang social networking sites.


Binabayaran sila sa pagpapakalat ng fake news.


Silang mga “trolls” na walang ginawa kundi ang magmura, manira ng kapwa at magpalaganap ng maling impormasyon ang inaasahang mamamayagpag na naman sa 2022 elections.


Kaya inihihirit ang “One person, One FB account”.


Ayon sa pamunuan ng Senado, hindi na kailangan pa ng batas para dito dahil magagawa naman ito ng Facebook at iba pang social media platforms. Agad ding nilinaw na hindi itinutulak ang pag-regulate sa social media, kundi ang dapat lang solusyunan ay ang problema sa mga trolls.


Dapat na talagang mawala ang mga trolls na bayaran, hindi na nakakatuwa ang ginagawa nilang pagpapakalat ng fake news sa social media. Gamit na gamit sila ng mga tao o grupong walang magawa sa buhay kundi ang manira para kumita o para sa kapangyarihan.


Ngayon nalalapit na ang kampanya para sa halalan, tiyak na kani-kanyang diskarte na ang mga pasaway na nag-aambisyon sa puwesto para makabuo ng sariling troll farm laban sa mga kalaban din nila sa pulitika.


Tayo naman publiko, habang hindi pa tuluyang nawawakasan ang trolling, dapat tayong maging mas maingat at huwag magpapabiktima.


Bago maniwala sa mga nababasa o napapanood online, alamin muna kung ito ba ay totoo.


Marami namang paraan para hindi maloko, magbasa ng dyaryo, manood ng TV, mag-subscribe sa mga legit na pages o websites.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page