top of page

OLYMPIC UPDATE: CABANG AT HOFFMAN SWAK SA REPECHAGE NG 110M AT 400M HURDLES

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 5, 2024
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 5, 2024


Sports News
Photo: OneSports / FB

Nasaksihan nina John Cabang at Lauren Hoffman ang taas ng antas ng Paris 2024 Athletics sa unang sabak nila Linggo ng gabi sa Stade de France. Hindi pa tapos ang lahat para sa tambalan at lalaro na sila sa repachange sa mga darating na araw.


Unang sumalang si Cabang sa Men’s 110-Meter Hurdles at umoras ng 13.66 segundo upang magtapos ng ika-pito sa walong kalahok. Ang unang tatlo – Rachid Muratake ng Japan (13.22), Enrique Llopis ng Espanya (13.28) at Eduardo Rodrigues ng Brazil (13.37) – ay tutuloy sa semifinals.


Sina Manuel Mordi ng Alemanya (13.48), Raphael Mohamed ng host Pransiya (13.61), Cabang at mga dinaig niyang sina Jakub Szymanski ng Poland (13.75) at Martin Saenz de Santa Maria ng Brazil (13.83) ay maghihintay kung kasama sila tatlong pangkalahatang pinakamabilis na hindi nagtapos sa unang tatlo ng kanilang karera. Ang mga hindi papalarin ay tatakbo sa repachage para sa huling anim na upuan sa semifinals.


Si Tokyo 2020 pilak Grant Holloway ng Estados Unidos ang nagsumite ng pinakamabilis na oras na 13.01 at sinundan ninna Muratake at Jason Joseph ng Switzerland (13.26). Ang huling tatlong upuan ay napunta kay Tade Ojora ng Gran Britanya (13.35), Milan Trajkovic ng Cyprus (13.43) at Tokyo 2020 kampeon Hansle Parchment ng Jamaica (13.43) at si Cabang ay ika-32 sa 40 tumakbo.


Tinapos ni Hoffman ang Women’s 400-Meter Hurdles sa 57.84 subalit pang-walo at huli siya sa pang-apat na limang karera. Panalo at pasok sa semifinals sina Anna Cockrell ng Amerika (53.91), Lina Nielsen ng Gran Britanya (54.65) at Janieve Russell ng Jamaica (54.67).


Tulad ng patakaran sa ibang karera, maghihintay ang mga hindi pinalad – Hanne Claes ng Belgium (54.80), Nikoleta Jichova ng Czech Republic (55.45), Grace Claxton ng Puerto Rico (56.29), Viivi Lehkoinen ng Finland (56.67) at Hoffman – kung makakahabol sila o sasalang sa Repachage. Ang numero unong qualifier ay si Tokyo 2020 tanso Femke Bol ng Netherlands at dalawang Amerikana Jasmine Jones at Sydney McLaughlin-Levrone na tabla sa 53.60.


Nakuha ni Claes ang isang upuan sa semifinals at sinamahan nina Cathelijn Peeters ng Netherlands (54.84) at Paulien Couckuyt ng Belgium (54.90). Ika-37 sa 40 kalahok si Hoffman.


Nakatakda ang pangalawang pagkakataon ni Hoffman ngayong Lunes simula 4:50 ng hapon. May panahon pa maghanda si Cabang at sa Martes ang kanyang karera sa parehong oras.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page