top of page
WINNER - BEAUTY QUEEN GF NI SANTINO, NAPAGKAMALANG TRANSGENDER-IG _ashleysubijano.jpg

Oks lang kahit ‘di compatible… Mga pamantayan para umunlad at lumigaya sa buhay may asawa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 12, 2024
  • 3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Numero | August 12, 2024



Dear Maestro,


May tanong lang ako tungkol sa compatibility, balak ko na kasing pakasalan ang girlfriend ko na isang Sagittarius. 


Ang birthday niya ay December 10, 1997, habang September 7, 1995 naman ang birthday ko, at isa akong Virgo. 


Sa pagkakaalam ko, hindi kami compatible pagdating sa Astrology kasi ang Sagittarius ay isang fire type element, habang ang Virgo naman ay isang earth type. Kapag kami ba ang nagkatuluyan hindi rin kami liligaya, uunlad at aasenso?  


Tatlong taon na ang aming relasyon, kaya kahit hindi kami compatible okey lang sa akin. Minsan ‘di naman talaga maiwasan ang magkaroon ng tampuhan, pero nagkakaayos din naman agad kami, dahil mahal namin ang isa’t isa. 


Maestro, siya na kaya ang aking mapapangasawa? Kapag nagkaroon kami ng sariling pamilya, liligaya at uunlad kaya kami?  

Umaasa,

Nick ng Tawang, La Trinidad, Benguet  



Dear Nick,


Ayon sa pag-aaral noong mga nakaraang taon pa na puwede pa rin namang gamitin ngayon, ang pera o salapi ang isa sa pinakamahalagang salik o batayan ng kaligayahan. Huwag na nating sabihing pera o salapi, dahil baka umangal o magreklamo kayo na palagi kayong walang pera. Sabihin na nga lang nating kumportableng buhay. 


Alam n’yo ba na ang pinakamaligayang bansa sa buong mundo, ayon sa nasabing pag-aaral ay ang Denmark at Switzerland? Maaaring maitanong mo, bakit kaya? 


Dahil lahat ng bagay sa Denmark at Switzerland ay libre. Libre ang edukasyon, at mga gamot. Dagdag pa rito, marami pang mga insentibo ang ibinibigay ng kanilang gobyerno sa mamamayan. Kumbaga, wala na silang hahanapin pa.


Ang mga estudyante sa nasabing mga bansa ay binibigyan ng pera ng gobyerno para lang makapag-aral.      


Masasabi mo ngayon sa iyong sarili na kapag ikinumpara mo sa Pilipinas ang Denmark at Switzerland, “Ang sarap pala ng buhay doon!”


Kaya kung wala kang kapera-pera at nag-asawa ka, sinasabi ko sa iyo na hindi mo mararating ang estadong tinatawag na “contentment,” kahit pa sabihing compatible kayo ng babae o lalaking mapapangasawa mo at kahit kayo ay nagmamahalan, kung palagi naman kayong walang pera, tiyak na hindi kayo magiging maligaya.


Kaya bago magpakasal o mag-asawa, tulad ng nasabi na natin sa itaas, kung talagang nais mong magkaroon ng maligayang pamilya, siguraduhin mo munang marami kang salapi upang maipambili mo ng mga materyal na bagay upang makuntento sa buhay at sikapin mo ring tumira sa isang lugar na mababait at mabubuti ang mga kapitbahay. 


Para maging maligaya ang mag-asawa, dapat parehas kayo ng “status quo”, ibig sabihin, hangga’t maaari, kung college graduate ka, dapat ganundin ang iyong mapangasawa, upang kapag nagkukuwentuhan kayo ay wala namang panig na parang timang na oo lang nang oo dahil mangmang ang iyong napangasawa o nakikipag-debate pa, eh wala namang lohika ang pinagsasabi.


At panghuli, tulad ng sinasabi natin, kailangang halos pareho kayo ng interes, ambisyon at gusto. ‘Ika nga sa unang teorya ng compatibility, “same feathers kayo dapat” upang kapwa magkaintindihan at maging maligaya ang inyong relasyon at bubuuing pamilya habambuhay. 


Sa kaso mo, bagama’t hindi kayo compatible ng girlfriend mo sa Astrology, compatible naman kayo sa birth date na 10 o 1 (ang 10 ay 1+0=1) at 7 ka naman. Kung sakaling dalawa o tatlo sa binabanggit nating pamantayan ng kaligayahan ang maabot ninyo, sigurado na ang magaganap – hindi man kayo compatible sa Astrology, pero dahil compatible kayo sa Numerology, makakamit n’yo pa rin ang isang masarap na relasyon at maligayang pagpapamilya habambuhay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page