Oil price hike na naman!
@Editorial | February 12, 2022
Inaasahang tataas na naman ang presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ito na ang ikapitong sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
Ayon sa kinauukulan, dulot ito ng oil price increase na nangyayari sa pandaigdigang merkado.
Kaugnay nito, umaaray na ang mga jeepney drivers at humirit nang itaas sa P10 ang singil sa pamasahe.
Bagama’t nauunawaan umano nila ang pandemya at ang posible ring pag-aray ng mga commuters, may pamilya rin silang binubuhay.
Hindi lang mga drayber ang apektado sa taas-presyo sa gas, kundi lahat — domino-effect.
Hindi lang sektor ng transportasyon ang sapul, kundi lahat. Dahil sa patuloy na oil price hike, hindi rin mapipigil ang pagsunod ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sa paglilipat-lipat ng produkto mula gulay, bigas, de-lata hanggang kagamitan, gumagamit ng mga sasakyang kumokonsumo ng gas para makarating sa destinasyon.
Yari ang mga namumuhunan — malaki man o maliit ang negosyo. Susubukan pa rin nilang tiisin ang dagdag-gastos pero, ‘pag hindi na kaya, wala rin silang magagawa kundi ipasa ang bahagi ng patong sa presyo ng mga produkto at mga konsyumer naman ang papasan. Ang mga mamimili naman ang kailangang dumiskarte sa pagba-budget.
At ang tanong ng lahat, lagi na lang bang ganito? ‘Pag nagtaas ang presyo ng gas, asahan na lang na magtataas din ang lahat?



Comments