top of page

Korupsiyon sa barangay, talupan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 days ago
  • 1 min read

Updated: 15 hours ago

by Info @Editorial | December 13, 2025



Editorial


Nakapanlulumo ang balitang ilang barangay officials ang sangkot sa korupsiyon.

Kung saan, isang tserman, ilang kagawad at iba pang opisyal sa barangay ang kinasuhan dahil sa umano'y pagbawas sa cash ayuda na laan sa benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).


Tinakot umano ng mga opisyal ang mga benepisyaryo na aalisin sila sa listahan kapag hindi nagbigay mula sa tinanggap na tulong pinansyal.


Ang siste, pagkauwi ng mga benepisyaryo bitbit ang tig-P10,000 cash ayuda ay

nagbahay-bahay naman daw ang mga kapalmuks para sapilitang kunin ang P8,000 hanggang P9,000 sa natanggap na ayuda. 'Yung sampung libo, isang libo na lang, matindi!


Para sa pamilyang nakakatanggap ng ayuda, ang pondong ibinibigay ng gobyerno ay hindi lamang pera—ito ay pag-asa. Ngunit ang pag-asang ito ay nadudungisan ng iilan: mga opisyal na binabawasan ang dapat na tulong at inuuna ang pansariling interes. 

Ang ganitong gawain ay hindi simpleng pagkakamali. Ito ay malinaw na korupsiyon, pang-aabuso at kawalan ng konsensya.  


Panahon na upang igiit ng publiko ang transparency at pananagutan. Kailangan ang mas mahigpit na monitoring, digital na pagrerehistro ng benepisyaryo at bukas na audit ng mga pondo. 


Hindi dapat natatakot ang sinumang residente na magsumbong—sa halip, dapat silang protektahan.


Ang sapilitang pagbabawas ng ayuda ay hindi dapat maging normal. Hindi ito bahagi ng sistema. Ito ay krimen—at ang kriminal ay dapat habulin at parusahan.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page