OFWs, mas pinipilong mamatay sa giyera kesa sa gutom
- BULGAR

- Oct 7, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | Oct. 7, 2024

Tumitindi ang labanan ng Israel at grupong Hezbollah.
Kaugnay nito, muling ipinaalala ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Pilipino na nasa Lebanon ang tungkol sa repatriation program.
Nabatid na patuloy ang pagpapaulan ng Iran ng ballistic missiles sa Israel bilang suporta sa Hezbollah na tinatarget naman ng pambobomba ng Israel. Inaasahang gaganti naman ang Israel sa Iran, at paiigtingin ang operasyon sa Lebanon.
Ang sitwasyong ito ay nasaksihan at masasaksihan din ng mga Pinoy na naroon. Kaya dapat na mas paigtingin ang pag-iingat at gumawa na ng mga hakbang bago pa lalong lumala ang giyera.
Kamakailan, nagpalabas ng evacuation advisories ang Israel sa mga lugar sa Southern Lebanon, na gaya ng inilabas nilang abiso nang salakayin nila ang Gaza kaugnay ng kanilang digmaan sa grupong Hamas.
Nauna nang iniulat na may mahigit 11,000 Pinoy sa nasa Lebanon, na karamihan ay nasa Beirut, na kabilang na rin sa mga tinarget ng Israel.
Nakaugnayan na umano ng DFA ang mga overseas Filipino worker (OFW) sa southern part ng Lebanon, at hinikayat sila na umuwi na muna sa bansa at samantalahin ang repatriation program. Gayunman, bukod sa mga ayaw umuwi, problema naman ng ibang OFW ang kanilang pasaporte na hawak umano ng Lebanese employers. Ito ang ibinunyag ng DFA sa isang news forum, kaugnay sa kalagayan ng mga manggagawa sa Lebanon. Kaya pinayuhan ang mga OFW na humingi ng tulong sa Philippine Embassy para magawan ng paraan ang problema.
Ibinunyag din na mula sa 11,000 Pilipino sa Lebanon, 90 porsyento sa mga ito ang tutol sa mandatory repatriation. Noong nakaraang linggo, sinabi ng DFA na ang mga miyembro ng Filipino community sa Lebanon ay nag-aalangan na umalis, at idinagdag na mas gugustuhin nilang masawi sa digmaan kaysa mamatay sa gutom. Bagay na nakapanlulumo at dapat nang mabigyang-pansin ng gobyerno.
‘Yung pangakong “wala nang Pinoy na mapipilitang makipagsapalaran abroad”, kailan kaya matutupad?






Comments