Obligadong pagsusuot ng face mask at shield, tama lang!

@Editorial | December 16, 2020
Lahat ay obligado nang magsuot ng face mask at face shield tuwing lalabas ng bahay.
Ayon sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), ito ay para mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 lalo na ngayong holiday season.
Maaaring ito lang ang nakikitang paraan upang kahit paano ay may panlaban mula sa mga pagkakataon na sadyang hindi talaga maiwasang lumabas ng bahay ngayong magpa-Pasko at Bagong Taon.
Kapansin-pansing dumarami na ang mga namimili kahit pa sabihing apektado ang kabuhayan, gagawa at gagawa pa rin ng paraan para makapagbigay sa pamilya, kaibigan at mga mahal sa buhay. Kaya triple-ingat ang laging ipinapaalala sa mga nagpupunta sa mga mall at iba pang pamilihan.
Isa pa sa posibleng hindi maiwasan ay ang pagsasagawa ng mga party at reunion. Patuloy na hinihikayat ang lahat na huwag muna, sa halip puwede naman itong gawin online at marami na ang mga gumawa na bagama’t naiiba ay masaya pa rin. Ang mahalaga naman ay makita, makumusta at makausap sila.
Muli, paalala sa lahat, kinakailangan nang masuot ng face shield at face mask.
Samantala, base sa pagtataya, maaaring pumalo sa halos kalahating milyon ang magiging kaso ng virus sa bansa sa katapusan ng taon dahil nga sa holiday season at ito ay pinipilit sana nating maiwasan. Kaya huwag nang pasaway, sumunod sa mga panuntunan kontra COVID-19. Kung ayaw makinig, manahimik sa loob ng bahay!



Comments