Nursing student, inalok ng P2K kapalit ng sex, titser, himas-rehas

by Mervin Reyes @News | November 26, 2026

Photo: File
Arestado ang isang 34-anyos na titser matapos umanong alukin ng P2,000 ang isang 23-anyos na nursing student kapalit ng pakikipagtalik sa Brgy. Dela Paz, Antipolo City.
Naghihintay ng masasakyan ang estudyante, alas-10 ng gabi noong Sabado nang lapitan siya ng suspek.
“Puwede ka mabilisan lang?” maririnig na tanong ng lalaki sa video na kuha ng biktima.
Tumanggi ang estudyante sa iniaalok, ngunit patuloy umano siyang pinipilit ng suspek. Nang mapansing kinukunan na ng video, tumakbo ang lalaki ngunit naharang ng ilang motorista at bystanders.
Sa barangay, natuklasang high school teacher ang suspek matapos nitong ipakita ang kanyang Professional Regulation Commission (PRC) ID.
Humingi ng paumanhin ang lalaki, ngunit determinado ang estudyante na ituloy ang reklamo sa kabila ng umano’y panibagong alok na pera upang hindi na siya magsampa ng kaso.
Sasampahan ang suspek ng reklamo sa paglabag sa Republic Act 11313 o Safe Spaces Act. Ini-report na rin ang insidente sa Department of Education (DepEd) sa Antipolo.





Comments