top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Numerong singko, may dalang suwerte sa pag-a-abroad at lovelife

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 20, 2023
3 min read

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | April 20, 2023


Dear Maestro,


Matagal ko nang gustong sumangguni sa iyo, pero ngayon lang ako naglakas-loob.


Gusto kong malaman kung may pag-asa pa ba akong makapangibang-bansa? Matagal ko nang gustong makapag-abroad, pero hindi ko alam kung may suwerte ako sa ibang bansa. Kung mayroon, kailan darating ang suwerte kong ito?


Sa pag-ibig naman, nais ko ring malaman kung compatible ba kami ng crush ko? Ang problema, hindi ko alam ang kumpletong birthday niya at hindi ko alam kung crush niya rin ako, basta ang alam ko ay isa siyang Capricorn, habang September 5, 1998 ang birthday ko.


Umaasa,

Jemuel ng San Isidro, San Luis, Aurora Province

Dear Jemuel,


Ang birth date mong 5 ang nagsasabing sa mabilis na pagkilos at walang pag-aatubiling pagdedesisyon, bigla kang susuwertehin sa buhay.


Oo, hindi lang sa pag-abroad kundi sa kahit ano’ng layunin na nais mong makamit sa sandaling binilisan mo ang pagpapasya at sinabayan ng mabilis na pagkilos, tiyak na tagumpay ang mananaig.


Halimbawa, sa panliligaw, bilisan mo ang pagtatapat. Hindi tulad ng ibang lalaki na torpe, na ‘pag kaharap ang crush o nililigawan, namimilipit ang katawan, kaya hindi makausap nang matino ang kursunadang babae. Kaya imbes na masabi agad ang kanyang saloobin, nauunahan ng hiya at takot. Sa halip, tulad ng nasabi na, upang mas madali sa iyong pumabor ang kapalaran, magtapat ka agad sa babae na iyong napupusuan!


Sa pag-a-abroad naman, ‘wag mong gayahin ang iba na nagdadalawang-isip pa. Sa halip, ang dapat mong gawin ay kumuha ka agad ng passport upang makondisyon ang isipan mo na gustong-gusto mong mangibang-bansa. Sapagkat tunay na ang sikreto para sa mga taong may bitbit na numerong 5 at nagkataon pang Virgo ang zodiac sign mo ay nagsasabing, ang mabilis at hindi naaantalang pagkilos ang tiyak na susi sa wagas na kaligayahan at pag-unlad.


Kaya sa araw na ito, dapat mong gapiin ang takot, pagdadalawang-isip at hina ng loob. Sa ganyan o sa mabilis na pagkilos, tulad ng paulit-ulit na nabanggit, uunlad at papalarin ka, hindi lamang sa trabaho, negosyo, pag-a-abroad kundi pati sa pagbuo ng masaya, matagumpay at panghabambuhay na pamilya.


Dagdag pa rito, mas madali kang makakapag-abroad o mas madali mong makakamit ang iyong mga pangarap kung lagi kang didikit o sasama sa mga taong may birth date na 5, 14, 23, 9, 18, 27, 8, 17, 26, 1, 10, 19 at 28, partikular silang mga isinilang sa zodiac sign na Capricorn, Taurus, Pisces, Scorpio at kapwa mo Virgo.


Kaya sa tanong kung ka-compatible mo ba si Ms. Capricorn, oo ang sagot dahil ang inyong mga zodiac sign ay kapwa pinangingibabawan ng elementong lupa. Ibig sabihin, ka-compatible mo ang naturang babae kung siya ay isinilang sa zodiac sign na Capricorn.


Ang ibig sabihin kapag ang isang tao ay pinangingibabawan ng elementong lupa tulad ng tipikal na Virgo, Taurus at Capricorn, basta ginusto n’yo ang isang bagay at seryosong ginampanan ang inyong responsibilidad o sabihin na nating tinumbasan n’yo ng karampatang pagkilos ang inyong layunin, tiyak na ito ay inyong masusungkit.


May pagka-pratikal din ang mga taong may elementong lupa, gayundin, kayo ay may pagka-materyoso, tuso at matalino. Kaya kung pinansyal na aspeto ang pag-uusapan, nangunguna ang nasabing mga zodiac sign sa hanay o bilang ng mga taong nagtagumpay sa larangan ng materyal na bagay. At sa tulad mong Taong Singko (5), magagawa mo ang lahat ng ito kung lagi mong bibilisan ang pagkilos.


Samantala, mapalad ka tuwing sasapit ang ika-19 ng Abril hanggang ika-23 ng Mayo, mula ika-19 ng Hunyo hanggang ika-23 ng Hulyo, mula ika-19 ng Agosto hanggang ika-23 ng Setyembre, mula ika-19 ng Oktubre hanggang ika-23 ng Nobyembre, at mula ika-19 ng Disyembre hanggang ika-23 ng Enero.


Sa mga panahong nabanggit, doblehin mo ang pagkilos, mag-apply ka nang mag- apply upang madaling maaprubahan ang mga papeles mo. Puwede ring manligaw ka nang manligaw upang mapasagot mo agad ang sinumang babae na iyong makukursunadahan, higit lalo kung sa bawat lakad ay magsusuot ka ng kulay na blue, gray, silver, puti, pula at puwede na rin ang dilaw. Suwerte ka naman tuwing sasapit ang araw ng Linggo, Lunes, Miyerkules at Huwebes.


Ayon sa Decadens ng Kapalaran, sa sandaling sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyon na inilahad sa itaas, tiyak ang magaganap sa taon ding ito ng 2023, pinakamatagal na sa buwan ng Setyembre o Oktubre at sa edad mong 25pataas— may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa na itatala sa iyong karanasan. Kasabay nito, sa wakas ay magkaka-girlfriend ka na, hatid ng babaeng isinilang sa zodiac sign na Capricorn o Taurus.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page