top of page

Niyayang mag-mall ng kaibigang patay na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 17, 2020
  • 2 min read

ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | July 17, 2020



Salaminin natin ang panaginip ni Lorrie Ann na ipinadala sa Facebook Messenger.


Dear Professor,


Dinalaw ako ng kaibigan kong matagal nang patay. Niyayaya niya ako sa mall tulad ng ginagawa namin nang siya ay buhay pa. Pumupunta kami sa mga mall, tapos lakad lang kami nang lakad at tingin nang tingin sa mga kung ano ang maganda sa paningin namin.


Ano ang ipinahihiwatig ng panaginip ko tungkol sa kaibigan ko?


Naghihintay,

Lorrie Ann


Sa iyo Lorrie Ann,


Ang panaginip mo ay wala naman gaanong sinasabi sa kaibigan mo, pero sa iyo ay may masasalamin na katotohanan na ikaw ngayon ay nasasabik nang mag-malling. As in, gusto mong mag-mall tulad ng ginagawa n’yo noon ng kaibigan mo.


Gayundin, okey naman kung mag-mall ka, puwedeng ikaw lang na mag-isa o kaya ay may kasama ka, ang totoo nga ay inirerekomenda ng panaginip na gawin mo ito.


Pero siyempre, sundin mo ang mga panuntunan. Magsuot ka ng facemask, magdala ka rin ng sarili mong alcohol na lagi mong gagamitin habang nasa mall ka. Umiwas ka sa mga tao na habang naglalakad ka ay tatantyahin mo muna distansiya ng mga makakasalubong mo at kailangan ay hindi ka madikit sa kanila.


Umiwas ka rin sa paghawak sa mga nakaaakit na paninda at huwag ka ring hahawak sa mga pader, upuan o iba pang bahagi ng mall.


Kapag may parang madidikit sa iyong tao, lumayo ka agad, kaya dumistansiya ka rin sa mga security at kung hindi mo magawa, mag-alcohol ka agad.


Pag-uwi mo, ihiwalay mo agad ang damit na isinuot mo, gayundin ang sapatos at iba pa sa mga damit na nasa bahay. Mas maganda na ilagay mo na lang ito sa labas ng bahay at mas maganda rin na ibilad mo ito sa sikat ng araw.


Puwedeng-puwede rin na isampay mo sa sampayan at hayaang mahipan ng sariwang hangin.


Ito ang ilang pag-iingat nang hindi ka mahawa sa COVID-19 na hanggang ngayon ay pinagtatalunan pa rin kung paano nahahawa rito ang tao, as in, airborne ba o hindi ang way of transmission.


Hanggang sa muli,

Professor Seigusmundo del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page