Nireretong Hapon, makakatuluyan kahit ‘di gaanong bet
- BULGAR
- Dec 23, 2022
- 2 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | December 23, 2022

KATANUNGAN
Noong nakaraang buwan, dumating ang tiyahin ko na galing Japan at kasama na niya ‘yung kaibigan niyang Hapon na matagal nang nirereto sa akin. Gusto kasi nila na isang Hapon ang mapangasawa ko upang maiahon ko sa kahirapan ang aming pamilya.
Pero natatakot ako dahil hindi ko pa masyadong kakilala ‘yung Hapon at isa pa, wala naman akong gusto sa kanya. May manliligaw ako na hindi nila alam na mahal na mahal ko at malapit ko nang sagutin. Kaya lang, tiyak na tutol sila sa kanya dahil wala siyang trabaho at hindi nakatapos ng kolehiyo.
Naguguluhan ako kung ano ba ang dapat kong sundin, ang puso o isip? Gayunman, minsan ay naiisip kong hindi naman ako ang may hawak ng aking kapalaran at bahala na kung ano talaga ang nakaguhit sa aking mga palad.
Sa palagay n’yo, Maestro, sino ang aking mapapangasawa, ito na bang Hapon na ito o ang manliligaw ko na parang mag-MU na kami ngayon?
KASAGUTAN
Ang nangyari ay sadyang napakalawak at napakaganda ng Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ito ay tanda na darating sa iyong buhay ang isang pangyayari o sitwasyon na makakapag-abroad ka, at hindi lang ito basta-basta pangingibang-bansa, bagkus, posible rin itong paninirahan o pamamalagi sa ibayong-dagat.
Habang, ang pag-aanalisa na posibleng ‘yung Hapon na nirereto sa iyo ng tiyahin mo ang iyong makakatuluyan ay madali namang kinumpirma ng sobrang haba na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad, na kung pipihitin ang iyong kamay, makikita pa rin ang nasabing Guhit ng Pag-aasawa (arrow b.) sa kabila ng iyong palad o harap ng iyong kamay.
Ibig sabihin, sigurado nang hindi taga-Pilipinas ang iyong mapapangasawa kundi magmumula sa isang malayong lugar. At sa bandang huli, sa malayong lugar na pinanggalingan ng lalaking iyong napangasawa, ru’n ka na rin mamamalagi. Gayundin, du’n ka dadalhin ng kapalaran upang habambuhay na manirahan at lumigaya.
DAPAT GAWIN
Tama ka, Ma. Victoria, hindi mo na mahahadlangan ang tinatakbo ng iyong kapalaran sa kasalukuyan. Ayon sa iyong mag datos, hindi mo dapat sundin ang utos ng puso o damdamin. Sa halip, sa pagkakataong ito, sumunod ka sa utos ng iyong tiyahin dahil sa ganu’ng paraan, sa panahong ikaw ay nag-asawa, mas makakatiyak ka ng mas maligaya at masaganang pag-aasawa na magaganap sa bansang Japan.







Comments