Ni bintana, ayaw buksan… KITKAT, TAKOT NA TAKOT SA COVID, NAWALAN NG BOSES
- BULGAR

- Jul 29, 2020
- 2 min read
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | July 29, 2020

Ka-chat namin ang komedyanang si Kitkat Favia habang isinusulat namin ang balitang ito at nabanggit nga niya na takot na takot siyang lumabas.
“Mahigit 4 months na akong 'di lumalabas, (ayoko talaga) hindi ko na natutungtungan kahit ang garahe namin (takot ako sa hangin) or nakakalapit sa gate namin. Ayoko kahit magbukas ng bintana or pinto, 'di kami nagkikita ng araw. Pati kotse ko, 'di na rin ako kilala. Marunong pa kaya akong magmaneho?! #betterSafeThanSorry” sabi nito.
May mga inquiries naman sa kanya para sa show pero hindi niya tinatanggap.
“Yes po, hindi pa rin at talagang naglalaban ang dibdib ko 'pag may inquiry po. Kahit gusto ko talaga at need na kumita, kesa magkasakit, ayoko,” say ni Kitkat.
Inamin din niyang sumasama ang loob niya sa mga nag-i-inquire dahil sobrang baba ng talent fee na ibinibigay na imbes daw makatulong ay baka sakit pa ang makuha niya.
At lalo siyang natakot nang magpositibo sa Covid-19 ang kaibigan niyang si Donita Nose at ilan pang kakilala.
Ang magulang ni Kitkat na parehong senior citizens na at nakahiwalay sa kanila ay hindi niya talaga pinalalabas din. Ang mga kapatid o kuya ni Kitkat ang nagdadala ng pagkain at maintenance medicines sa magulang niya.
At dahil sobrang stress at anxiety ni Kitkat ay namamaos siya, “Need ko bumili ng mahal na gamot, hayz.”
Naikuwento rin niya na ‘yung regular na umoorder sa kanila ng tuna at salmon na business ng asawang si Walby ay nagsara na. Grabe talaga ang nagawa ng pandemya dahil ang daming negosyong nagsara.
Isinara rin nina Kitkat ang ilang negosyo nilang carwash at restaurant dahil baka magkaroon ng problema sa mga tao nila, lalong gastos dahil sasagutin nila ang pagpapagamot.
Kuwento pa ni Kitkat, “Dito nga po (village), hanggang ngayon, 'di makapasok deliveries at mga bisita. Si kuya, kaya nakakapasok kasi binigyan namin ng sticker. Pero sa garahe na lang s’ya halos, laging nauubos ang alcohol pag-spray sa kanya. Tanggal lahat, palit mask, etc. kahit nasa garahe na lang s’ya. Tapos, tinitingnan ko na lang sa CCTV, parang nag-a-alcohol pa ako, ha-ha-ha!”
Hindi lang si Kitkat ang nakararanas ng ganitong problema kundi halos lahat ng artistang nakakatsikahan namin.





Comments