Next admin, makaisip sana ng epektibong paraan pambayad utang
- BULGAR
- May 27, 2022
- 1 min read
@Editorial | May 27, 2022
Bago pa man tuluyang magpalit ng pamamahala mula sa gobyernong Duterte pa-Marcos, marami na ang nababahala sa usapin ng utang ng Pilipinas.
Magkano ba talaga ang utang? Paano kaya ito mababayaran?
Kaugnay nito, magsusulong umano ang Department of Finance (DOF) ng ilang programa upang matulungang mabayaran ng gobyerno ang lumolobong utang nito.
Sa nasabing paraan, makalilikom umano ang gobyerno ng hanggang P349.4 bilyon na bagong kita mula taong 2023 hanggang 2027.
Ilan sa mga hakbang ay ang planong pagtaas ng buwis, pagpigil sa pagbabawas sa personal income tax at pagpapalawig sa sakop ng Value-Added Tax (VAT).
Kasama umano rito ang carbon tax kung saan bubuwisan ang mga motorsiklo, single-use plastics at cryptocurrencies.
Umaasa ang ahensiya na sa ganitong paraan ay matatanggal na ang P3.2 trillon na utang ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.
Tiyak na aaray ang taumbayan sa mga hirit na ito. Batid naman natin na pare-parehong bagsak ang kabuhayan at kita dulot ng pandemya, marami ang hindi pa nakakabawi. Kung magkakaroon ng pagtaas sa buwis, ano na ang gagawin?
Gayunman, kung ito ang tanging paraan o nakikita nilang sagot pambayad utang, may makakapigil ba?
Sa huli, ang hangad natin ay ‘yung mas makabubuti sa sambayanan. Umaasa tayo na ang susunod na administrasyon na bubuuin ng matatalino at talagang may kakayahan sa pamamalakad pagdating sa ekonomiya ay makakagawa rin ng mas epektibong paraan.
Huwag sana tayong tuluyang mabaon sa utang sa halip ay tuluyan nang makabangon at masimulan naman ang pag-unlad.



Comments