'New normal' na, ingat pa rin
@Editorial | March 1, 2022
Punuan na sa loob ng mga establisimyento sa pag-iral ng Alert Level 1 o 'new normal'.
Gayunman, mahigpit ang bilin ng kinauukulan, tanging ang mga fully vaccinated lamang ang maaaring papasukin.
Dagdag-paalala na mahigpit pa ring ipatutupad ang minimum public health standards, partikular na ang pagsusuot ng facemask.
Kailangan din ang maayos na bentilasyon at tamang exhaust system.
Tayo'y nasa tinatawag na 'new normal' bagama't may mga panuntunan pa rin, masasabing mas maluwag na at mas may pagkakataon na para makabawi sa kabuhayan.
Ngayong 100% capacity na sa mga restoran, simbahan, gym at pati bar, masasabing malaking responsibilidad ito sa lahat.
Kailangan nating manatiling maingat at disiplinado. Huwag nating hayaan na matulad sa ibang bansa na matapos magluwag ay bigla na namang naghigpit dahil sa panibagong surge.
Wala nating sayangin ang pagkakataon. Ito na ang hinihintay na panahon para makabawi sa mga idinulot ng pandemya.
Kailangan nating sabayan ang lumalalang taas-presyo sa mga bilihin. Ito ang isa sa mga problema na mahirap kontrolin. Wala tayong magagawa kundi ang dumiskarte nang bongga para maitawid ang bawat araw.
Muli, welcome 'new normal', huwag pasaway, mas mag-ingat at kayod pa more!



Comments