Nets, Raptors at Heat, maiinit

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 20, 2021

Mainit na shooting sa 3 points ang naging susi ng Brooklyn Nets upang talunin ang defending champion Los Angeles Lakers, 109-98, sa NBA game kahapon mula sa Staples Center. Umarangkada bigla ang Nets (19-12) sa second quarter at mula roon ay hindi na nakabangon ang Lakers (22-8).
Nagpaulan ng 18 tres ang Nets sa pangunguna nina Joe Harris, Timothe Luwawu-Cabarrot at James Harden para sa ika-limang sunod na tagumpay. Nagtapos na may 23 puntos si Harden habang my 21 si Harris upang takpan ang patuloy na pagliban ni Kevin Durant.
Kahit bigo, nakakamit ng isa pang karangalan si LeBron bilang pangatlong manlalaro sa kasaysayan ng liga na nakapagtala ng 35,000 matapos ang 32 para sa 35,017 puntos sa 1,295 laro buhat pa noong 2003. Tanging ang mga alamat at dating Lakers na sina Kareem Abdul Jabbar (38,387) at Karl Malone (36,928) ang may pinakamataas pa ring puntos sa karera.
Gumawa ng 13 o higit ang lahat ng unang limang ipinasok ni Pinoy coach Erik Spoelstra at nagtagumpay ang Miami Heat sa Sacramento Kings, 118-110. Pinutol ng Heat ang tatlong magkasunod na talo at umangat sa 12-17 panalo-talo at maghanda na para sa susunod na laban sa Lakers sa Pebrero 22, ang muling pagkikita ng dalawang nagbakbakan sa 2020 NBA Finals.
Parehong nagsumite ng triple double sina Bam Adebayo na 16 puntos at Jimmy Butler na 13 puntos . Ang reserbang si Tyler Herro ang bumida para sa Heat na may 27 at sinundan ni Kelly Olynyk na may 22.
Umulit ang Toronto Raptors sa matamlay na Milwaukee Bucks, 110-96. Nanguna sa Raptors sina Norman Powell na may 29 puntos at Pascal Siakam na may 27.





Comments