‘Negative ang lumabas sa lahat ng COVID tests ni P-Du30’ — Nograles
- BULGAR

- Feb 8, 2022
- 1 min read
ni Lolet Abania | February 8, 2022

Mariing itinanggi ni acting presidential spokesperson Karlo Nograles na nagpositibo sa test sa COVID-19 si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang naging pahayag ni Nograles matapos na banggitin ni Atty. Victor Rodriguez, ang spokesperson ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa isang ambush interview ng mga reporters na si Pangulong Duterte ay na-infect ng COVID-19.
“PRRD tested and all his COVID-19 tests have come out negative. Results state ‘not detected’,” giit ni Nograles sa mga reporters ngayong Martes. Sa Philippine Arena, sa Bulacan, tinanong si Rodriguez hinggil sa kung dadalo si Pangulo Duterte sa proclamation rally ng BBM-Sara UniTeam, dahil sa ang anak nito na si Davao City Mayor Sara Duterte, ay running mate ni Marcos.
Ayon kay Rodriguez, hindi nila nakuhang makausap si P-Duterte dahil aniya, ang Pangulo ay tinamaan umano ng COVID-19.
“Hindi na kami nakapag-reach out na kay PRRD dahil alam naman ninyo, kaka-positive lang ni PRRD. I think hindi naman tama na obligahin natin ang ating Pangulo na ma-involve sa political exercises,” sabi ni Rodriguez.
“At the same time mindful din kami sa health and safety of the President sapagkat ilang araw lamang ang nakalipas, siya ay nagpositibo sa COVID-19,” dagdag pa ni Rodriguez.
Matatandaang, sumailalim si Pangulong Duterte sa mandatory quarantine matapos na ma-exposed sa isang household staff member na nagpositibo sa test sa COVID-19.








Comments