NCR, unti-unti nang nakakasabay sa pandemya
@Editorial | November 3, 2021
Dumarami na ang pumapabor sa mas mababang alert level sa National Capital Region (NCR).
Bukod sa ilang ahensiya ng gobyerno, negosyante at manggagawa, suportado rin ng Philippine College of Physicians (PCP) ang panawagan na ibaba sa Alert Level 2 ang kasalukuyang Alert Level 3 na umiiral sa NCR bunsod ng bumababang COVID-19 cases sa rehiyon.
Kasabay nito ang paalala sa publiko na patuloy pa ring sundin ang minimum public health standards sa oras na babaan na ang alert level status.
Sa ngayon, ang pagsunod sa mga health protocols pa rin ang pinakamahalaga at pinaka-epektibong istratehiya para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Bagama’t malaking bagay din ang mga limitasyon tulad ngayong nasa ilalim tayo ng Alert Level 3 hanggang Nobyembre 14.
Sa ilalim ng Alert Level 3, pinapayagan ang ilang establisimyento na makapag-operate nang 30 percent para sa kanilang indoor venue capacity na para lamang sa mga fully vaccinated at 50 percent naman para sa outdoor venue capacity.
Sakaling aprubahan ang mas mababang alert level o Alert Level 2, 50% na ang papayagang indoor capacity ng establisimyento at karagdagan pang 10% capacity kapag may safety seal.
Para sa outdoors, pinapayagan ang 70% capacity.
Sana ready na tayo sakaling mag-Alert Level 2 na.
Masasabing unti-unti naman na nating nasasabayan ang pandemya na dulot ng COVID.
Nasasanay na tayong nariyan lang ang virus sa paligid at kailangang mag-ingat.
Sana ay patuloy pang bumaba hanggang mawala o tuluyan nang makontrol ang sitwasyon.
Sana pagsapit ng 2022, maging mas maginhawa na ang pamumuhay at wala ng pangamba.
Mangyayari lang ‘yan sa patuloy na pagdarasal, pagsunod sa mga panuntunan at pagtitiyaga.



Comments