top of page
Search
  • BULGAR

NCR, nasa Alert Level 4 simula Set. 16

ni Lolet Abania | September 14, 2021



Isasailalim ang National Capital Region sa Alert Level 4 simula sa September 16, kasabay ng pagsisimula ng implementasyon ng granular lockdowns sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ngayong Martes.


“Alert Level 4 ang ipapatupad sa NCR,” ani Año sa isang interview. Ayon kay Año, napagkasunduan ng mga alkalde ng NCR na magpatupad na lamang ng iisang alert level sa kabuuan.


Aniya, base sa data analytics, lima sa NCR areas ay kinokonsiderang nasa Alert Level 5 at dalawa naman ay Alert Level 3, habang ang karamihan ay nasa Alert Level 4.


“Ang gumawa ng kasunduan, iyong mga NCR mayors, na isang alert level lang, Alert Level 4, ang gagawin nila,” sabi ni Año. Batay sa bagong guidelines ng gobyerno, ang mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 4, ang ikalawang pinakamataas na alert level sa bagong scheme, ay iyong may mga kaso ng COVID-19 na mataas ang bilang o nadaragdagan pa habang ang kabuuang mga kama at ICU beds ay nasa high utilization rate.


Ang mga hindi pinapayagan o bawal lumabas ng kanilang bahay na nasa ilalim ng Alert Level 4 ay:

• Mga edad 17 pababa

• Mga 66-anyos pataas

• Mga mayroong immunodeficiencies, comorbidities, o iba pang may panganib sa kalusugan

• Mga buntis


Ang mga indibidwal naman na papayagan o maaaring lumabas ng bahay ay iyong mga kukuha o bibili ng mga essential goods at services, o magtatrabaho sa mga industriya o opisina na pinayagang mag-operate ng gobyerno.


Gayundin, sa ilalim ng Alert Level 4, ang intrazonal at interzonal travel para sa mga indibidwal ay maaaring payagan subalit nakadepende ito sa ipinatutupad na regulasyon ng LGU na destinasyon o nais na puntahan.


Papayagan naman ang mga outdoor exercises para sa lahat ng edad sa nasabing alert level, kahit pa may comorbidities o anumang vaccination status, subalit limitado lamang ito sa loob ng nasasakop na lugar ng kanilang tirahan.


Sa Alert Level 4, ang outdoor o al fresco dine-in services sa mga restaurants at kainan ay papayagang mag- operate sa maximum na 30% ng venue/seating capacity, anuman ang vaccination status ng mga indibidwal.


Habang papayagan ang indoor dine-in services na limitado sa 10% ng venue/seating capacity subalit para lamang ito sa mga fully vaccinated kontra-COVID-19, dagdag na rin dito sa mga bakunado na ang outdoor o al fresco capacity.


Ang mga ahensiya ng gobyerno ay maaaring mag-operate ng nasa 20% capacity habang isasagawa pa rin ang work-from-home arrangements.


Para sa religious gatherings, papayagan ito ng hanggang 30% ng venue/seating capacity kung isasagawa outdoors o nasa labas, anuman ang vaccination status ng mga indibidwal.


Papayagan naman sa naturang gatherings sa limitadong 10% ng venue/seating capacity ang indoor subalit para lamang sa mga indibidwal na fully vaccinated kontra-COVID-19, dagdag na rin dito sa mga bakunado na ang outdoor capacities.


Gayunman, ang mga pastors, pari, rabbis, imams, o iba pang religious ministers at mga assistant ng mga religious congregation ay kailangang fully vaccinated kontra-COVID-19.


Ang mga pagtitipon naman para sa necrological services, burol, inurnment at libing, kung saan nasawi hindi dahil sa COVID-19 ay papayagan, subalit limitado lamang ito para sa mga miyembro ng pamilya, at kailangang may katunayan ng kanilang relasyon sa namatay, habang patuloy pa rin na dapat sumunod sa ipinatutupad na minimum public health standards.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page