top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

NCAA Season '96, iniurong na naman dahil sa COVID-19

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 7, 2020
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 7, 2020





Maghihintay pa ng saglit ang mga tagahanga ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) matapos magpasya ang pamunuan ng liga na ilipat ang pagbukas ng kanilang Season 96. Ang bagong plano ay laruin at tapusin ang lahat ng mga disiplina sa loob ng dalawa o tatlong linggo sa mga buwan ng Abril, Mayo o Hunyo ng 2021.


Magbubuo ang Management Committee sa pamumuno ni Fr. Victor Calvo OP na punong abala Colegio de San Juan de Letran ng isa pang komite na pag-aaralan ang paraan ng paglaro sa isang bubble na halaw sa ginawa sa mga ligang propesyonal na Chooks To Go Pilipinas 3X3 at PBA. Maihahambing din ang mabubuong konsepto sa Southeast Asian Games o Olympics.


Maliban sa isang eksklusibong lugar, may posibilidad na gawin ang mga laro sa loob mismo ng mga kasaping paaralan ng NCAA. Depende din ito kung luluwagan o hihigpitan ang estado ng community quarantine at health at safety protocol ng lugar sa napiling petsa.


Walo sa sampung paaralan ng NCAA ay matatagpuan sa Maynila. Tanging ang Jose Rizal University sa Mandaluyong at University of Perpetual Help System-Dalta sa Las Pinas ang naiiba. Apat lamang na disiplina ang itinakda ng NCAA para sa Season 96 – Basketball, Volleyball, Athletics at Swimming. Subalit maaaring isama ang mga online sports lalo na ang Online Chess.


Ang Season 96 ay ang simula rin ng bagong kasunduan sa pagitan ng NCAA at GMA Network. Malaking usapin kung paano maipapalabas ang mga laro sa telebisyon sa gitna ng panukalang kalendaryo.


Samantala, hindi na maghihintay at papasok na sa darating na PBA Rookie Draft ang mga higante ng NCAA na sina Larry Muyang ng Letran at Benedict Adamos ng Perpetual Help. Hiwalay na naghayag ng kanilang plano ang dalawang manlalaro at parehong ibinigay na dahilan ang pagtulong sa kanilang mga pamilya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page